Isa, Banal, Katoliko, Apostoliko at Palmaryanong Simbahan
o Palmaryano Kristiyanong Simbahan
Sino Kami?
Ang tanong na ito ay madaling sagutin. Kaming mga Palmaryano ay mga tagasunod ng Pinakabanal na Birheng Maria, na kung Kanino ay isinusuko namin ang aming mga sarili nang buo naming pagkatao at minamahal nang maalab. Ito ay isang puntong walang diskusyon ang pinapayagan. Ang sinumang ayaw magmahal at magsilbi sa Ina ng Diyos ay hindi magiging interesado sa pagiging kasapi ng Palmaryanong Simbahan. Ang aming pagmamahal sa aming Ina sa langit ay parehong internal at eksternal. Ang aming internal na pagmamahal ay makikita sa malaking tiwala na mayroon ang mga Palmaryano para sa Kanya, at sa aming malalim na pasasalamat sa maraming mga himala, malaki at maliit na patuloy Niyang ginagawa para sa Kanyang matapat na mga anak sa loob ng Palmaryanong Simbahan. Ang aming eksternal na pagmamahal ay makikita higit sa lahat sa magandang mga estatwa, mayamang napapalamutian ng may pinakamalalim na debosyon, mga imahen at mga sulatin na nakapupukaw ng tunay na debosyon kay Maria, at magandang mga burda na tuloy-tuloy na ginagawa sa Palmaryanong Simbahan. Sa Palmaryanong mga himno ay maraming bilang ang patungkol sa Marangal at laging Birheng Maria, Ina ng Diyos at ating Ina; mga himnong pinagkalooban ng natatanging ganda na ang aming mga kaluluwa ay pumapailanglang sa kaparehong lebel ng mga Serapin sa Koro sa Kalangitan, nag-aawit ng mga pagluwalhati at pagpuri sa may Tatlong Pagkakaisang Diyos sa pagpapasalamat sa pagiging mga anak ng Inang napakamapagmahal at matamis tulad ni Maria.
Ang misyon ng Pinakabanal na Birheng Maria ay ang idulog tayo sa Kanyang Banal na Anak, na si Hesukristo at akayin tayo upang mahalin ang Santisima Trinidad. Siya ang daan tungo sa Langit. Ang Palmaryanong Simbahan ay ginagawa nang taimtim ang Kanyang mga pangaral sa Kanyang mga Aparisyon sa iba’t-ibang dako ng mundo, binibigyang halaga sa mga iyon ang pangangailangan ng pagdarasal at penitensiya.
Hanggang dumating ang Agosto 6, 1978, ang Pinakabanal na Birheng Maria ay inatasan ang Kanyang maraming mananampalataya sa loob ng Katoliko Apostoliko Romanong Simbahan, tulad ng Kanyang ginawa sa loob ng halos dalawampung siglo. Dahil sa pag-apostata ng Simbahan sa Roma makaraang mamatay si Papa San Pablo VI, ang Panginoon Nating Hesukristo ay iniwan ang Roma at direktang ibinigay ang mga susi ni San Pedro sa katauhan ni Papa San Gregoryo XVII, ang Napakadakila. Sa paraang ito, ang Tunay na Simbahan ay inilipat sa disyerto ng El Palmar de Troya, pinangalagaan ang mga tradisyon at mga ritwal na itinuro ng Katolikong Simbahan sa nagdaang mga siglo.
Sa pagdaan ng sampung taon, ang mga galing sa langit ay napakaraming ulit na nagpakita sa Sagradong Lentisko sa El Palmar, nagpapalakas sa ispirituwal, nagpapayo at naghahanda sa Kanyang piniling mga anak, upang sa bandang huli ay depinitibong ilipat ang Banal na Pamunuan ng Vatican sa El Palmar de Troya, ang Sagradong Lugar ng Lentisko. Sa loob ng siyam na taon ay inihanda ni Kristo ang ilang mga tao upang ipagpatuloy ang Gawain na ipinundar ng Ating Panginoon simula pa halos dalawampung siglo na. Ang dalawa sa mga taong ito sa bandang huli ay si Papa San Gregoryo XVII at Papa San Pedro II.
Para sa kagandahan at kabanalan ng Banal na Pagsamba nito at para sa kabanalan ng marami sa mga kasapi nito, ang Isa, Banal, Katoliko, Apostoliko at Palmaryanong Simbahan ay nararapat lamang na pag-aralan at obserbahan nang may banal na pagkatakot sa Diyos. Doon sa mga lumapastangan at nagkalat ng napakaraming mga kasinungalingan at paninira laban sa Gawaing ito ng Diyos at laban sa mga taong bumubuo Nito, sinasabi namin na walang sinumang maaaring maglibak sa Diyos. Nawa ang mga sinungaling at mga maninirang puri ay mangatal! Higit sa lahat, iyong mga naghayag ng kanilang mga kabuktutan sa pangmasang komunikasyong media; ang mga nagsulat ng aklat na nagtamo ng katanyagan at pera sa pagsusulat ng mga aklat na hindi totoo at mga dokumentong walang pundasyon. Walang kapatawaran para ipaubaya ang sarili na pangunahan ng mga taong sa tingin ay banal, subali’t sa katotohanan, sila ay inudyukan ni Satanas mismo na giyerahin nang walang kahihiyan ang Tunay na Simbahan ni Kristo. Itong mga kaaway ni Kristo ay natalo na sa digmaan, dahil si Kristo ay pangangalagaan ang Kanyang Simbahan buhat sa mga masasama at hindi papayagan ang lagusan ng Impiyerno na makapanaig laban sa Kanya.
Mga Palatandaan ng Tunay na Simbahan
1. Ang Simbahan ni Kristo ay Isa, Banal, Katoliko, Apostoliko at Palmaryano:
- Siya ay Isa sa Pananampalataya, sapagkat ang katotohanan na inihayag ng Diyos ay magkatulad para sa lahat; Isa sa pamamahala, sapagkat may isa lamang na nakikitang Namumuno, ang Papa; at Isa sa mga Sakramento, sapagkat sila ay pareho para sa lahat ng mananampalataya ng Simbahan.
- Siya ay Banal, sapagkat ang Nagtatag sa kanya ay Banal; ang kanyang Doktrina ay Banal; ang kanyang mga layunin at marami sa kanyang mga kasapi ay Banal.
- Siya ay Katoliko, sapagkat siya ay unibersal, sapagkat napapaloob sa kanya ang lahat ng katotohanan at para sa lahat ng mga tao.
- Siya ay Apostoliko, sapagkat ang kanyang herarkiya at doktrina ay galing sa mga Apostoles.
- Siya ay Palmaryano,sapagkat ang kanyang Pamunuan sa ngayon ay nasa El Palmar de Troya (Sevilla, Espanya).
2. Ang tunay na Simbahan ni Kristo ay walang depekto, hindi malulupig, at hindi masisira, ayon sa pangako mismo ng kanyang Banal na Nagtatag: “Ang lagusan ng Impiyerno ay hindi magtatagumpay laban sa Kanya.”
3. Ang tunay na Simbahan ni Kristo ay tinatawag ding Palmaryano Kristiyanong Simbahan ng Carmelitas ng Banal na Mukha’, o ‘Palmaryano Kristiyanong Simbahan’, o ‘Palmaryanong Simbahan’; sapagkat sa pinakadiwa ito mismo ang eksaktong kapareho sa pagsasabing ‘ang Simbahan, Isa, Banal, Katoliko, Apostoliko at Palmaryano.’
4. Ang Palmaryanong Simbahan ay ang tangi at awtentik o mapananaligang Kristiyanong Simbahan, ang pangalang natanggap niya buhat kay Kristo , ang Banal na Nagtatag sa kanya.
5. Noong ika-6 ng Agosto 1978, matapos na mamatay si Papa San Pablo VI, ang Ating Panginoong Hesukristo, kasama ang mga Apostoles na si San Pedro at si San Pablo ay pinili at kinoronahan ang bagong Papa, San Gregoryo XVII ang Napakadkila. Buhat sa momentong iyon ang romanong simbahan ay nawala na ang pagiging tunay na simbahan.
6. Dahil sa pag-aapostata ng romanong simbahan, ay inilipat ni Kristo ang Pamunuan ng Kanyang Simbahan buhat sa Roma patungo sa El Pamar de Troya noong ika-9 ng Agosto 1978. Sa pagkakapili kay Papa San Gregoryo XVII ang Napakadakila at ang paglipat ng Pamunuan sa El Palmar de Troya, ang tunay na Simbahan ni Kristo ay natanggap ang titulong Palmaryano.
7. Ang Espiritu Santo ay ang Kaluluwa ng isa at tanging Tunay na Simbahan, na tinatawag na Isa, Banal, Katoliko, Apostoliko at Palmaryano. Sa labas Niya, ang pamamahay ng Pinakabanal na Paraklit o Espiritu sa mga kaluluwa ay hindi posible.
8. Ang mga kasapi ng Palmaryanong Simbahan ay binubuo ng Orden ng Carmelitas ng Banal na Mukha kasama ni Hesus at ni Maria, na nasasaklaw ng tatlong sangay: mga Pari, mga Madre at mga Tersyaryong mananampalataya.
9. Noong ika-30 ng Hulyo 1982, ay inalis ni Papa San Gregoryo XVII ang lahat ng kapangyarihan mula sa mga obispo, mga presbiter at mga dyakono sa labas ng tunay na Simbahan, Isa, Banal, Katoliko, Apostoliko at Palmaryano. Inalis niya rin ang sagradong karakter mula sa lahat ng mga relikya, mga imahen, mga bagay na ginagamit sa pagsamba, mga altar at iba pa, sa mga apostata, erehe at sismatikong mga simbahan. Dagdag pa, ang eyokaristikong presensiya ni Kristo at ni Maria ay nawala na mula sa lahat ng mga tabernakulo sa buong mundo na walang kinalaman sa Palmaryanong Simbahan.
10. Ang mga obispo. mga presbiter at mga dyakono sa labas ng Isa, Banal, Katoliko, Apostoliko at Palmaryanong Simbahan ay walang kapangyarihan upang balidong magsagawa ng anumang gawaing nauukol sa Ministro ng Pari.