Santo Domingo ng Guzman – Iglesia Catolica Palmariana

Mga Mensahe buhat sa Langit na ibinigay kay Clemente Domínguez y Gómez,
ngayon Papa San Gregoryo XVII,
ang Napakadakila ni Santo Domingo ng Guzmán

Ika-4 ng Enero 1970
(Sagradong Lugar ng Lentisco sa El Palmar de Troya. Mga Aparisyon at mga Mensahe kay Clemente Dominguez:)
Santo Domingo ng Guzmán
“Mahal ko kayo lahat, aking mga anak, dahil nagdarasal kayo ng Banal na Rosaryo na siyang magliligtas sa mundo: ang Rosaryo ng mga Ama Namin. Iyon ang nais ng Laging-Birheng Maria. Aking mga anak, kaunti na lamang ang natitira sainyo para magdusa. Ang Malaking Milagro ay malapit na, subali’t dapat ay magdasal kayo. Binabasbasan ko kayo.”

Santo Domingo ng Guzmán

“Huwag ninyo silang payagang alisin ang pagdasal ng Banal na Rosaryo sa inyong mga Simbahan. Laging magdasal, laging magdasal, laging magasal, iyan ang inyong kaligtasan. Dapat kayong magdasal ng Banal na Rosaryo tulad ng idinekta mismo ng Birhen sa Sagradong Lugar na ito, at alam kong mangangahulugan ito ng maraming mga sakripisyo para sainyo, nguni’t sa paraang ito Ang Banal na Galit ng Kataas-taasan ay makakalma. Dasalin ninyo ito sa bawa’t pagpunta ninyo.” (Ang tinutukoy ay ang Rosaryo Penitensyal. At si Santo Domingo ay nagpatuloy ng pagsasalita:)

“Magdasal, magdasal, magdasal nang walang kapaguran. Huwag mag-alala kahit maiwanan ang lahat, kung ang sakripisyong iyon ay kalooban ng Diyos, dahil tutulungan Niya kayo para mapagtagumpayan ang daang iuutos Niya.” (At saka tinukoy si Clemente Dominguez, ay nagsabi siya:)

“Magdurusa ka nang lubha, hindi ka maiintindhan. Hingin mo sa Diyos na mangyari nawa ang Kanyang Banal na Kalooban. Pinapakinggan ka ng Diyos, maging matiisin ka. Alam Niya kung ano ang pangangailangan ng bawa’t isa sainyo, at hayaang ang lahat ay gawin ang tulad sa ginawa ng Kanyang Banal na Anak: mahigpit na niyakap ang Krus.

Binabasbasan ko kayo. Ako ay nasa inyo pa rin. Huwag kayong matakot kay Satanas: kasama si Maria at ang lahat ng mga hukbong sumasamba sa Diyos, dudurugin natin ang kanyang ulo.”

 (Si Clemente Dominguez noon ay nagkaroon ng nakapanghihilakbot na bisyon ng Impiyerno: napakaraming mga tao na may nakatatakot na mga mukha at si Satanas sa gitna ng mga apoy. Agad pagkatapos, si Santo Domingo ng Guzman ay napaligiran ng mga Anghel. Bumalik si Clemente Dominguez buhat sa ekstasi, at may paghanga at kagalakan ay nakakita kami lahat na sa ilang sandali ng bagong butas na nagbukas sa pader ng propyedad, may kalayuan sa isang sinaraduhan, nang hindi man lamang kami nakarinig ng kahit na anong ingay. Kami lahat ay pumasok sa propyedad, nang may kaunting takot, at sa gitna ng daaan ang seer ay nakita si San Jose na, malapit sa bagong bukas na butas, sa pamamagitan ng kanyang tungkod ay inatasan kaming pumunta na sa Lentisko.

Si Santo Domingo ay nagpatuloy sa pagsasalita:) “Espanya, Espanya, Espanya, patuloy kayong magdasal. Herusalem, Herusalem, Herusalem, sa malapit na panahon ay makikita ninyo ang inyong Sagradong Dambana.”

Ika-12 ng Disyembre 1969
(Sagradong Lugar ng Lentisco sa El Palmar de Troya. Si Santo Domingo ng Guzman ay nagpakita kay Clemente Dominguez at ibinigay sa kanya ang sumusunod na mga Mensahe:)
1. Santo Domingo ng Guzmán

“Tingnan mo ngayon sa aking kanan ang Banal na Mukha ng Ating Panginoong Hesukristo.” (Aparisyon ng Banal na Mukha.) “Nakita mo, aking anak, ang Mukha Niya na ibinigay ang lahat, hanggang ang Kanyang hininga, para sa iyong mga kasalanan at para sa mga kasalanan ng buong mundo.

Sa pamamagitan ng Mukhang ito, doon sa mga sumasamba sa Kanya, nagninilay-nilay sa Pasyon, Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Kristo, kalakip ng mga Kapighatian ng Banal Laging-Birheng Maria, ay makatatanggap ng mga grasya upang mamatay sa Kabanalan. Sila ay ipepreserba sa parusa na inihanda ng Eternal na Ama upang pakawalan sa lalong malapit na hinaharap. Gagawing kuluntoy ng Diyos ang sangkatauhan sa paraang kakaunti na lamang ang matitira para Makita ang Kanyang Banal na Mukha.”

2. Santo Domingo ng Guzmán
“Hayaang ang pagdasal ng BANAL NA ROSARYO NG MGA AMA NAMIN ay maikalat at malaman tulad ng idinikta ng Birhen sa Sagradong Lugar na ito.” (Tinutukoy dito ang Banal na Rosaryo Penitensyal, na napapalooban ng limang mga misteryo; sa bawa’t Misteryo sampung kumpletong Ama Namin ang dinadasal, na napapalooban ng isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati at Aba Mariang Napakadalisay o Hail Mary Most Pure, sa bawa’t butil o bead.)

Hayaang ANG PAGSAMBA SA BANAL NA MUKHA NG PANGINOON ay ipakalat sa buong mundo.

Hayaang ang Viacrusis ay gawin na pinagninilayan ang Banal na Mukha ni Hesukristo, ginugunita ang Kanyang Pasyon, Kamatayan at Muling Pagkabuhay kalakip ang mga Pighati ng Banal Laging-Imakuladang Birhen Maria, sumasamo ng kapatawaran para sa lahat ng mga kasalanan, mga pandurusta, mga insulto at mga sakrilihiyong ibinibigay sa Banal na Mukha.

Hayaang ang Banal na Komunyon ay tanggapin sa unang Huwebes ng bawa’t buwan sa buong taon hanggang sa Pagdating ng Panginoon, na ngayon ay malapit na, gumawa ng reparasyon sa loob ng dalawampung minutos, magpasalamat sa Diyos at magsumamo para sa kombersyon ng Rusya.

Ang lahat ng sumasamba sa Banal na Mukha at gumawa nitong Reparatoring Komunyon ay makatatanggap ng grasyang mamatay sa kabanalan.

Ang kaligtasan ng mundo ay nakasalalay sa paggawa kung ano ang idinikta sa Mensaheng ito.”

(Pagkatapos ay nagpakita ang Panginoon kay Clemente at ibinigay sa kanya ang sumusunod na Mensahe:)


Ang Ating Panginoong Hesukristo

“Aking anak, ikaw ang magpoproklama ng mga Mensaheng ito sa buong mundo, sa mga naniniwala at sa mga hindi naniniwala. Kung ayaw nilang tanggapin ang Katotohanan, bahala sila. Hayaang kung sino ang may tainga ay makinig; kung sino ang may pagkaunawa, ay umunuwa.”

(Pagkatapos Si Santo Domingo ng Guzman ay nagpakita kay Clemente. Ang dalawang mga Anghel ay bumaba buhat sa kung nasaan ang Pundador ng mga Nangangaral ay nakatayo. May dala silang abito at kapa ng Orden ng Dominican.)

Santo Domingo ng Guzmán
(Nagwika siya kay Clemente:)
“Sa madaling panahon, sa lalong madaling panahon, mas madali kaysa iniisip mo, ikaw ay magsusuot ng aking Banal na Abito.”

(Ang seer, samantalang nasa ekstasi, ay isinuot ang abito ng Orden ng Dominican. Pagkaraan ay inalis niya ang kapa, ibinigay ito sa Anghel sa kanyang kanan, na nagbigay sa kanya ng alb, chasuble at iba pang mga kasuotan ng Pari. Ang seer na nakasuot na ng mga iyon at binigkas ang ibang parte ng Misa tulad ng sinabi sa kanya ng Santo. Sinabi ng seer kay Santo Domingo na hindi siya karapat-dapat, at hindi kalian man, para magdaos ng Banal na Misa, subali’t tatanggapin niya ang Kalooban ng Diyos. At si Santo Domingo ay patuloy na nagsalita:)

“Aking anak: Ang kasunod ngayon ay napakahaba. Siguruhin mong makinig nang mabuti sa Mensaheng ito. Dapat mong dalhin kung ano ang sasabihin ko saiyo, sa Kardinal (ng Sevilla), isang kopya; sa Primado (ng Espanya) isa; at sa aking mahal na Kapatid na Nectario Maria, importanteng-importante, isa, para ibigay sa Santo Papa.

Unawain mong Mabuti ang sasabihin ko saiyo: na suguin ng Santo Papa ang buong Simbahan na sambahin ang Banal na Mukha ni Hesukristo, hingin ang kombersyon ng buong mundo. Gawin ito sa sumusunod na paraan: obligado, araw-araw, walang kaligta, gawin nila ang Viacrusis, pagnilayan ang Kanyang Pinakamapighating Pasyon.

Makinig ka, aking anak, bawat unang Huwebes ng bawa’t buwan sa buong buhay nila hanggang sa Ikalawang Pagbalik ni Hesukristo, tumanggap sila ng Banal na Komunyon, gumawa ng reparasyon para sa lahat ng mga kasalanan, mga sakrilihiyo, mga erehe at mga insulto sa Banal na Mukha ni Hesus, magbigay ng pasasalamat sa loob ng dalawampung minutos sa Diyos, at sumamo para sa kombersyon ng Rusya, bilang kondisyon para sa kaligtasan ng mundo.

Sa lahat ng mga Simbahan ng Katolikong Globo, isatrono nila ang Banal na Mukha ng Panginoon. Sa pamamagitan ng Mukhang ito, iyong mga sumasamba nagninilay sa Pasyon, Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Kristo kalakip sa mga Kapighatian ng Banal Laging Birheng Maria, ay makatatanggap ng mga grasyang mamatay sa Kabanalan. Sila ay ipepreserba sa mga kastigong inihanda ng Eternal na Ama upang pakawalan sa lalong madaling panahon. Wala na kayong panahon. Ang malaking pagsubok ay napakalapit na, malapit na malapit, kung ang Mensaheng ito ay hindi matupad. Pangunguluntuyin ng Diyos ang sangkatauhan sa paraang napakakaunti lamang ang matitira para Makita ang Kanyang Banal na Mukha. Sabihan mo ang Papa na tanggapin ang pagiging martir, na kung saan ay magliligtas siya ng maraming mga kaluluwa; na ang Diyos ay may nakahandang nakatataas na lugar para sa kanya sa kanyang kanang kamay, kung saan siya ay magagalak nang walang katapusan. Malapit na ang kanyang pagiging martir. Sabihan mo siya na maghanda upang isuko ang kanyang kaluluwa sa Kaaas-taasan.

Hayaan ang Papang iutos na ang Banal na Mukha ni Hesus ay ilagay sa lahat ng mga simbahan; walang dapat na masayang na panahon; hayaan siyang tanggapin ang mga utos ng Diyos, na ibinibigay sa paraan ng mga Aparisyon sa buong mundo. Sabihan mo agad ang Papa na gumawa ng pinakasolemneng proklamasyon sa mga Aparisyon sa El Palmar de Troya, at huwag pansinin iyong mga kumukontra sa kanya tungkol sa El Palmar. Kung hindi sila tatalima, ang mundo ay magkukulang ng daan para sa kanyang kaligtasan.

Aking anak, kailangan mong iproklama ang Mensaheng ito sa mga taong sinabi ko saiyo. Siguruhin mong iyon ay dalhin ng mga taong may kredibilidad upang maiwasang ang mga iyon ay mawala. Ang kaligtasan ng mundo ay nakasalalay sa paggawa kung ano ang idinikta sa Mensaheng ito. Ang Panginoon ay hihingi ng pananagutan sa mga instruksyong ito. Kailangan mong dalhin mismo direkta ang kopya sa Kardinal (ng Sevilla), kahit ang katapat nito ay iyong mga sakripisyo; hindi na ito ang panahon para umatras.

Espanya, hayaang ang lahat ay sumapi sa Krusada ng Andalucia!, ang kaligtasan ay mapapasainyo. Dasalin ninyo ang Rosaryo ng mga Ama Namin. Gawin ang Viacrucis sa harap ng kaibig-big na Mukha ng Panginoon. Magkumonyon tuwing unang Huwebes ng bawa’t buwan, bawa’t taon.

Si San Fernando ay nagsugo na, na idepensa ang Espanya.” (Aparisyon ni San Fernando na nasa kaliwa ni Santo Domingo, na hindi umalis.) “Ngayon ang Banal na Hari ay kakausapin ka.”

Talambuhay ni Santo Domingo ng Guzmán

Ika-6 ng Agosto

Presbiter. Relihiyoso. Pundador. Patriarka. Doktor. Dakilang Mistiko. Pundador ng Banal na Rosaryo. Ipinanganak sa Caleruega, Burgos, Espanya noong ika-24 ng Hunyo 1170, ang kanyang mga magulang ay sina San Felix ng Guzmán at Santa Joan ng Aza. Nang siya ay nagdadalantao, ang ina ay nanaginip na sa kanyang sinapupunan ang kanyang dinadala ay isang tuta na may dalang may sinding ilaw, at na nang siya ay ipinanganak ang mundo ay nasunog. Sa kanyang noo nang siya ay bagong silang, ay nakita ang isang bituin.

Makaraan ang kanyang edukasyon sa primarya at pagpapalaki bilang Kristiyano sa tahanan, siya ay nagpatuloy ng kanyang pag-aaral sa Palencia. Pagkatapos ay inukol niya ang kanyang sarili sa pag-aaral ng Teolohiya. Noong taong 1195, makaraan ang kanyang pag-aaral, ang Obispo ng Osma ay inordinan siya bilang Pari, at pagkatapos ay tinawagan at itinalaga siya bilang regular na Canonigo ng kanyang simbahan. Mula sa kanyang kabataan ay pinakahahalagahan ni Santo Domingo ang pagmamahal at pagkamahigpit bilang kanyang pinakamamahal na mga katangian. Nabasa niya na ang mga Anchorite ay hindi umiinom ng alak, kung kaya ay sinimulan niyang gayahin sila, subali’t sa bandang huli ay uminom na rin siya ng kaunti ayon sa payo ng kanyang Obispo. Sa panahon ng pangkalahatang kakulangan, ay pinagkaitan niya ang kanyang sarili ng kung ano ang kanyang pinakagusto, ang kanyang mga aklat at mga pergamino, ibinenta niya ang mga iyon para makatulong sa mahihirap. Sa isang pagkakataon ay inialok niya ang kanyang sarili kapalit ng isang bihag na napunta sa mga kamay ng moro, dahil ang pobreng walang palad ay sumusuporta sa kanyang pamilya. Dahil sa pagmamahal niya sa kanyang kapwa, ang kanyang sigasig para sa mga kaluluwa, ang buhay niya nang mahigpit na pagpepenitensiya, si Santo Domingo ay hinahangaan ng lahat ng mga nakakakilala sa kanya. Noong 1203 siya ay naglakbay patungo sa Denmark kasama si Obispo Diego ng Osma para isakatuparan ang isang delikadong diplomatikong misyon na ipinagkatiwala ni Haring San Alfonso VIII ng Castile. Pagkatapos ay umalis pabalik sa Castile, sa pagbabalik ay dumaan sa Pransya. Nang siya ay makarating sa Lungsod ng Toulouse, ay naobserbahan niya na marami sa mga nakatira roon ay nahulog sa erehya ng albigensia, na nakapuno ng kanyang maawaing puso ng malalim na kalungkutan sa pagkakitang hindi mabilang na mga kaluluwa ay nabubuhay sa miserableng pagkakalinlang. Sa panahon ng kanyang pagtigil sa lupain ng Castile, si Santo Domingo, para makapagdasal sa pag-iisa, ay madalas na pumunta sa isang kuweba sa dakong labas ng lungsod ng Segovia. Noong ika-7 ng Oktobre sa taong 1204, isang araw na matatagpuan siya sa malayo at tagong kuweba malalim na nag-aalala sa erehya ng albigensia na wumawasak sa timog ng Pransya, ay hiningi niya sa Pinakabanal na Birheng Maria na turuan siya ng pinakaepektibong paraan para makuha ang kombersiyon ng mga erehe. Si Santo Domingo ay nahalina sa pinakamatayog na ekstasi at nakita ang Birheng Maria kasama ang Batang Hesus sa kanyang mga bisig. Sa Kanyang kanang kamay ay ipinakita sa kanya ang Banal na Rosaryo, habang itinuturo sa kanya kung paano ito dinarasal. Sinabihan ng Pinakabanal na Birheng Maria si Santo Domingo: “Dito may makapangyarihan kang armas laban sa mga erehya. Isama mo sa iyong pangangaral at paghihigpit sa buhay ang pagdasal ng Banal na Rosaryo, at ipinapangako Ko saiyo na ang iyong apostolado ay magiging napakaepektibo.”  

Si Santo Domingo ay patuloy na nagsikap na magturo at ipalaganap ang Banal na Rosaryo kahit saan, at nagdusa nang malaki dahil sa patuloy na mga atake mula sa mga kaaway ng natatanging debosyong ito. Sa taong 1205, si Santo Domingo ay kasama ng Obispo sa kanyang paglalakbay patungo sa Roma. Noong Mayo 1206, sa kanyang pag-uwi buhat sa Roma, Sina Obispo Diego ng Osma at si Santo Domingo ng Guzmán, na parehong tinagubilinan ng Papa San Inocencio III ng dakilang apostolikong sigasig para sa kombersiyon ng mga Albigensian, ay dumating sa Montpellier. Ang sugo ng Papa, kasama ang dalawang kinatawan, ganoon din ang iba pang mga prelado at mga pryor, ay dumating sa Montpellier, nag-usap kung paano maaalis ang erehya. Sina Diego ng Osma at, Santo Domingo, bilang simpleng mga misyonero, ay naglakbay sa paligid ng maraming mga bayan ng Pransya nakikipagsagutan sa mga Albigensian at pinasisinungalingan ang kanilang mga mali nang may malinaw na mga argumento. Noong Oktobre 1207, si Obispo Diego ng Osma ay bumalik sa kanyang diyosesis sa Espanya at namatay nang taon ding iyon. Habang si Caudillo Simon ng Montfort na namumuno sa kanyang mga tropa ay nanguna sa Banal na Krusada sa Timog ng Pransya laban sa mga Albigensian ay hiningi ng Papa San Inocente III, si Santo Domingo ng Guzmán, sa tulong ni Obispo Fulco ng Toulouse at ng Caudillo ng kawan ng Krusada, na gumawa ng walang kapagurang pagtuturo para sa kombersiyon ng mga Albigensian sa rehiyon ng Languedoc, lalo na sa mga bayan ng Montpellier, Béziers, Carcassonne, Toulouse at iba pa, at madalas ay nagiging biktima ng mga insulto at kalapastanganan sa panig ng mga erehe. Siya ay naging Bikaryo Heneral ng Carcassonne, at dalawang ulit na tinanggihan ang dignidad ng pagiging obispo na inialok sa kanya. Noong taong 1213, makaraang makuha ang Toulouse, ang pangunahing balwarte ng sekta, ay ginawa ang lungsod na itong sentro ng apostolado ni Santo Domingo.
Naisip niyang dumating na ang oras para magpundar ng Orden ng mga mangangaral, at sa malaking marangyang tahanan ng isa sa kanyang mga tagasunod, ay inilatag niya ang pangunahing mga kailangan ng kanyang Orden, na inaprobahan ni Obispo Fulco. Ang Banal Dogmatikong Lateran Council IV na pinatawag na noong 1215, si Santo Domingo ay sinamahan ang Obispo ng Toulouse sa Roma. Sa kanyang pagtigil sa Roma, siya ay nagkaroon ng sumusunod na bisyon: Si Hesukristo na nakaupo sa trono ng hukom, ay kumuha ng tatlong mga sibat na parang ihahagis ang mga ito sa mundo. Namagitan ang Pinakabanal na Maria at, sa harap ng Kanyang Banal na Anak, ay ipinakita ang dalawang lalake para mamagitan sa pagkombert ng mundo. Ang isa sa dalawa ay si Santo Domingo, na nakilala niya ang kanyang sarili. Subali’t ang pangalawa ay hindi niya kilala, hanggang kinabukasan nang makilala niya si San Francisco ng Assisi. Ang dalawang mga Santo ay nagyakap na parang magkapatid. 

Bago ang inagurasyon ng Konseho, ang banal na pundador ay nakiusap sa Papa Inocente III ang Dakila, humihingi ng aprobasyon para sa gawain na kanyang pinagkakaabalahan. Pinayuhan ng Papa si Santo Domingo na pumili ng Patakaran mula sa mga dati nang naaprobahan, at bumalik para ang lahat ay makumpirma, sa paraang ito ay berbal na inaprobahan ang Gawain. Noong taong 1216, noon ay nasa Toulouse, ang Santo ay tumipon ng kanyang mga kasama, at pinili nila ang Patakaran ni San Agustin, kumuha rin ng iba na ginagamit ng Regular Canons o Premonstratensians na ipinundar ni San Norberto, at dinagdagan ng ibang mas mahigpit na patakaran. Sa gayon ang unang komunidad ng Orden ay ipinundar sa Toulouse, na may misyon ng pangangaral sa diyosesis. 

Si Papa San Honorio III ang Dakila na nakaupo sa Trono ng Papa, si Santo Domingo ay bumalik sa Roma, at ang Soberanyang Papa ay inilagay ang bagong Orden sa kanyang pangangalaga. Noong ika-22 ng Disyembre 1216, ay kanonikal niya itong inaprobahan, na may kasuguan ng papa na ang mga Relihiyoso ay ilaan ang kanilang mga sarili sa pagtuturo, at binigyan ito ng pangalang ‘Order of the Preachers’ o Orden ng mga Mangangaral. Si Santo Domingo ay nagsimula sa kanyang opisyal na ministro sa pagpangaral sa palasyo ng Papa noong Kuwaresma ng taong 1217, inesplika niya ang mga Sulat ni San Pablo sa lubos na kasiyahan ng Papa. Sa mga panahong ito, habang nagdarasal, si Santo Domingo ay nakita ang mga Apostoles na sina San Pedro at San Pablo, na binigyan siya ng isang tungkod at isang aklat, sinabihan siyang: “Humayo ka at magturo, dahil iyan ang iyong misyon”. Dahil sa tila
digmaang sitwasyon na namumuo sa timog ng Pransya dahil sa hidwaan sa pagitan ni Konde Ramon VII ng Toulouse at ni Caudillo Crusader Simon ng Montfort, si Santo Domingo sa kanyang pagbalik sa Pransya, ay nag-utos na ang kanyang mga anak sa relihiyon ay kumalat sa ibang bahagi. Ang iba ay nanatili sa Tolouse, ang iba ay pumunta sa Paris at ang iba ay sa Espanya. Siya ay pumunta sa Roma, kung saan ay natanggap niya ang monasteryo at simbahan ni San Sixto. Doon ay may pumasok na dalawampung mga disipulo. Noong 1218, ang Santo ay umalis patungo sa Espanya, dumaan sa iba’t-ibang bahagi ng Bologna, kung saan ay una nang pinadala niya ang apat na mga Prayle, at sa iba’t-ibang bahagi ng Toulouse, binisita ang kumbento roon. Sa Espanya ay nagpundar siya ng mga kumbento sa Madrid at sa Guadalajara. Patuloy siyang nagpundar ng mga kumbento sa paligid ng Pransya.  

Nang siya ay nasa Paris noong 1219, ay nakilala niya si San Jordan ng Saxony, na pumasok din sa Dominicans pagkalipas ng isang taon at, sa pagkamatay ni Santo Domingo, ay naging kahalili niya bilang Superior Heneral ng Orden. Nang taon ding iyon, si Papa San Honorio III ay ibinigay sa kanya ang monasteryo at simbahan ng Santa Sabina sa Roma, na kung saan ang mga Prayle ni San Sixto ay inilipat, iniwan ang huling monasteryo sa mga Madre ng ‘Dominican Second Order’. Si Santo Domingo ng Guzmán, kampeon laban sa mga Albigensian, ay namatay sa Bologna noong ika-6 ng Agosto 1221. Nang siya ay nakaratay, ang bakal na kadenang suot niya sa kanyang katawan na kung saan ay ginamit niya sa paghigpit sa kanyang sarili ay inalis. Ang kanyang katawan ay nakahimlay sa Bologna.

Kinanonisa ni Papa San Gregoryo IX ang Dakila noong ika-3 ng Hulyo 1234. Idineklarang Doktor ng Simbahan ni Papa San Gregoryo XVII ang Napakadakila noong ika-21 ng Septyembre 1989.