Mga mensahe buhat sa Langit na ibinigay kay Clemente Domínguez y Gómez,
ngayon Papa San Gregoryo XVII, ang Napakadakila ni Santa Teresa ni Hesus Koronada
Ika-4 ng Enero 1970
(Sagradong Lugar ng Lentisko sa El Palmar de Troya. Mga Aparisyon at mga Mensahe kay Clemente Dominguez:) Clemente Domínguez:)
Santa Teresa ni Hesus Koronada
“Namamagitan ako para sa minamahal kong Espanya, subali’t dapat ay manawagan kayo sa anak kong si Teresa, itinalaga ng Eternal na Ama para sa kaligtasan ng mundo. Minamahal ko kayong lahat.” (Ang isa sa mga nandoon ay nagsabi na siya ang pinakadakilang babae sunod sa Birheng Maria, at sumagot si Santa Teresa:) “Hindi, anak; iyon ay sa paningin ng tao. Inaayos ng Diyos ang lahat ng mga bagay nang may katalinuhan. Nakalimutan ninyo ang dakilang mga santo. Lahat kami ay tumatamasa ng dakilang pagsasamahan sa Kalangitan: Ang inyong Apostol na si Santo Santiago, si Haring San Fernando, si San Alberto ang Dakila, si San Martin de Porres, na tumatamasa ng nakatataas na puwesto sa Langit salamat sa kanyang kababaang-loob at ang pagbabale-wala sa kanya ng mundo. Ang inyong si San Clemente, Papa at Martir, na namatay sa pagtatanggol sa Katotohanan. Ang Sevilla ay dapat magpasalamat kay San Clemente. Aking mga anak: Walang alinlangang ang Pamilya ni Hesukristo ay nangingibabaw at nakatataas sa lahat ng mga Santo.
Aking anak: huwag kang makalimot na magmakaawa sa pamamagitan ni Padre Pio. Dapat kang manalangin na mapadali ang kanyang pagkanonisa. Nais ko, at kalakip ng nais ng Birheng Maria, na matapos ang kanyang kanosisasyon ay may pribilehiyong altar siya sa darating na mga araw sa Kapilya ng Sagradong Lugar na ito, upang maprotektahan niya kayo sa darating na mga araw ng kadiliman.”
Ika-28 ng Septyembre 1970
(Sagradong Lugar ng Lentisko sa El Palmar de Troya. Ang Marangal na Repormadora na si Santa Teresa ni Hesus ay nagpakita kay Clemente Dominguez. Matapos magsalita sa kanya tungkol sa Doktrina ng Muling Pagkabuhay ni San Jose at ang Kanyang Pag-akyat sa Langit, Katawan at Kaluluwa, tinapos niya ang Mensahe sa pagsasabing:)
Santa Teresa ni Hesus
“Aking mga anak: Hinihingi ko sainyo na maging masigasig kayong mga deboto ni San Jose, tulad ko. Dapat ninyong tularan ang kanyang mga katangian. Lagi niya kayong ipinamamagitan. Lagi kayong magpetisyon sa pamamagitan ni San Jose, sapagka’t may malakas siyang kapangyarihan sa trono ni Maria. si San Jose ay may malaking kaluwalhatian, napakalaki; at ang lahat ng tumutulad sa kanya ay magkakaroon ng malaking kaluwalhatian sa Langit. Binabasbasan ko kayo.” (Ang seer ay nagkaroon ng bisyon kay San Jose sa Langit, puno ng kaluwalhatian.)
Apostolikong Paglalakbay ni Clemente Dominguez y Gomez sa Espanya.
Ika-3 ng Agosto 1971
(Alba de Tormes, Salamanca, Espanya. Kapilya ng Kumbento ng Discalced na mga Relihiyosang Carmelita. Si Santa Teresa ni Hesus ay nagpakita kay Clemente Dominguez at ibinigay sa kanya ang sumusunod na Mensahe:)
Santa Teresa ni Hesus
“Mahal kong anak: Ang Mabuting si Hesus, Panginoon ng mga Panginoon, Hari ng mga Hari, Panginoon ng Karamihan, Kagalakan ng mga Banal, Tagapamagitan sa Ama at sa sangkatauhan, Alipin ng mga dukha, Ginhawa ng mga naghihingalo, ay ipinadala ako sa lugar na ito kung saan ang aking abang laman ay nakahimlay naghihintay ng muling pagkabuhay, upang matanggap mo ang mga pintig ng aking puso, aking simbuyo, aking espiritu, aking kalakasan, at patuloy na matatag sa gitna ng mga kahirapan, hindi magandang mga kalagayan, pagpapakasakit at ang panghahamak ng tao, na naaayon doon sa mga sumusunod kay Hesus ang Kaibigan.
Aking anak: mas marami ang iyong tinatamong mga pagsalungat, mga insulto, mga pangungutya, infernal na mga atake, mga pagkabalisa buhat sa iyong mga kapatid, paglisan ng iyong mga pinakamamahal, at masasabi mo: Ito ay Gawa ng Diyos! Dahil si Hesus ay sinalungat, ininsulto, sinaktan, sinampal, trinato bilang isang nagkukunwaring Diyos, inakusahang nakipagsabwatan laban kay Caesar, Siya ay nahatulang Mamatay sa Krus, iniwan ng Kanyang pinakamamahal na mga kaibigan, ang sarili Niyang mga disipulos; subalit sa ikatlong araw Siya ay maluwalhating bumangon buhat sa kamatayan. Kung nais mong bumangon kasama ni Kristo, tanggapin mo ang Krus. Kung nais mong bumangon kasama ni Satanas, lumublob ka sa mga kasiyahan ng mundong ito.
AKO AY TRINATO NANG NAPAKASAMA NG AKING MGA KABABAYAN, NG AKING MGA KAPATID SA RELIHIYON AT NAKATATAKOT NA SINISI NG HERARKIYA NG SIMBAHAN. Ang aking mga paglakbay ay kinonsidera bilang mga kapritso ng isang hindi mapakaling babae; ang mga sugo ng aking Hesus ay nakita nila bilang sarili kong pagsasamantala na laban sa Turo ni Pablo; dumating ako sa puntong halos ay sentensiyahan ako ng Husgado ng Ingkisisyon. SUBALI’T WALANG NAGTAGUMPAY KONTRA SA AKIN, MAGING ANG KARANIWANG TAO, O MGA MINISTRO, O MGA OBISPO, O MGA KARDINAL, DAHIL DUMATING ANG ORAS NA KAILANGAN KONG HINDI SUMUNOD SA AKING MGA SUPERYOR SA MUNDO AT SUNDIN ANG MGA SUGO NG DAKILANG TAGAPAGBIGAY NG BATAS, SI HESUKRISTO, ANG AKING PINAKAMATAAS NA DIREKTOR, NA KUNG KANINO AKO DAPAT MAGPASAILALIM SA ILALIM NG PARUSANG ETERNAL NA KONDENASYON.
Kung hindi ko sinunod si Hesus at sinunod ko ang aking mga Superyor sa mundo, ang dakilang Reporma ng Carmelita, na nakagawa ng napakabuti sa Simbahan at sa mundo, ay hindi sana nagawa. Sa dakong huli, nang ang aking katawan ay nasa libingan na, ang Banal na Inang Simbahan ay itinaas ako sa mga Altar, at pinagkalooban ng hindi mabilang na mga titulo, sa ngayon ay kinoronahan bilang Doktora ng Simbahan. Ang pagpapasailalim ko sa Hari ng mga Hari ay siyang nagdala ng lahat ng ito.
Aking anak: sundin mo si Hesus, kapag natiyak mo na ito ay ang matamis na tinig ng Anak ng Diyos at Kapatid ng mga tao na iyong naririnig. Mag-ingat sa maling pagsunod sa Herarkiya ng Simbahan, dahil kung ang Karapatan ng Diyos at ang kaligtasan ng mga tao ang nakataya, walang kapangyarihan sa mundo kundi iyong sa Kanya na nakatanggap ng kapangyarihan buhat sa Ama. Pinalmente, hinihingi ko sa lahat ng may kinalaman sa paglimbag sa mga kababalaghang ginagawa ni Hesus at ni Maria sa lahat ng dako ng mundo, na dumulog sa Aking pagtataguyod at sila ay makakukuha ng inspirasyon sa pagsulat. Binabasbasan ko kayo.”
Ika-10 ng Marso 1977
(Sevilla. Mother house. Oras: 2:25. Habang nagsasamba sa Kapilya, ang Ating Panginoong Hesukristo ay nagpakita kay Obispo Padre Fernando. Makalipas ang ilang minuto, si Santa Teresa ni Hesus ay nagpakita sa kanya. Nagwika ang Panginoon: “Nandito sainyo ang Repormadora ng Carmel, si Teresa ng Avila, ang inyong Protektora.” Si Santa Teresa ay nagbigay kay Padre Fernando ng sumusunod na Mensahe:)
Santa Teresa ng Ávila
“Napakasaya ko sa aking mga Carmelitas ng Banal na Mukha! At kung nalalaman lamang ninyo na, nang ako ay nasa mundo pa, ay sinabihan ako ng aking pinakamamahal na Esposong si Hesukristo na isang araw, sa mga Panahon ng Apokalipsis, ang Orden ng Banal na Mukha ay itatatag! At iyon ay magiging bukod-tanging Sangay ng aking Reporma. Anong mga grasya ang darating sainyo sa lalong malapit na hinaharap, napakalapit! Napakalapit na nga! Kung kaya ang Panginoon ay dinagdagan ang inyong mga panalangin at mga penitensiya, upang ihanda kayo para sa malaking mga kaganapan sa Simbahan, mga kaganapan na kung saan ay magkakaroon kayo ng napakaimportanteng papel.
O aking mahal na mga anak, Carmelitas ng Banal na Mukha! Gaano ko kayo kamahal! Dahil nasaan na ang espiritu ng Reporma ngayon? Ano na ang natitira sa espiritu ng Reporma sa ngayong mga Carmelitas sa mundo? Sila ay sumasapi sa calced nguni’t iniiba ang buong Reporma, patungo sa progresibismo. Anong kalungkutang makita ang Orden na kung saan ay nagdanas ako ng sobrang paghihirap upang ireporma! SUBALI’T PINAPANGALAGAAN NINYO ANG ESPIRITU NG REPORMANG IYON. ANG ESPIRITU NG PANALANGIN AT PENITENSIYA. ANG ESPIRITU NG PAGPAPASAILALIM SA KALOOBAN NG DIYOS. KAYO AY LUMALABAN SA MASAMANG HERARKIYANG NGAYON AY NAMUMUNO SA BANAL NA SIMBAHAN. Alam ko ang tungkol sa mga bagay na ito. Lumaban ako sa masasamang mga Obispo, sa masasamang mga Superyor, sa masasamang mga Nuncio, at iba pa. Subali’t ang masasama ngayon ay mas malala kaysa doon sa mga panahong iyon. Ang lahat ng mga panalangin at mga penitensiyang ginagawa ninyo ay kaunti para makagawa ng reparasyon sa Diyos sa napakaraming mga pagkakasala, napakaraming mga pagdusta.
Gaano karaming mga Carmelitas ngayon ang nagbibigay ng masamang huwaran dahil sa kanilang nakasisirang progresibismo! Ilang mga Obispo sa opisyal na Simbahan ang umabandona sa kapaki-pakinabang na Doktrina at sumama na sa marxismo, mason, at erehya! Kayo ang maliit na kawan na inaasahan ng Mabuting Pastol na si Hesukristo. Magsagawa kayo ng maraming panalangin at penitensiya, maraming panalangin at penitensiya, maraming panalangin at penitensiya. Ang malaking kataklismo na darating sa tao ay malapit na.
O CARMELITAS NG BANAL NA MUKHA! KAYO ANG MALIWANAG NA MGA BITUIN NG SIMBAHAN SA GITNA NG LAGANAP NA KALITUHAN. Nguni’t kayo ay dapat maging mas perpekto. Marami pa rin kayong mga depekto. At ang pagiging perpektong ito ay makukuha, higit pa sa pamamagitan ng mga aklat, higit pa sa pagbabasa, sa pamamagitan ng panalangin at penitensiya at banal na pagtalima sa inyong Padre Heneral.” (Pagkatapos magbigay ng ilang instruksiyon sa pagdarasal, ay nagpatuloy si Santa Teresa:) “Anong mga grasya ang matatanggap ninyo! Anong mga grasya! Ang mga iyon ay hindi mabibilang at napakalapit na. Kapaki-pakinabang para sainyo ang gumawa ng pagdarasal at penitensiya para makatanggap ng maraming mga biyaya na makamamangha sa mundo. Ang ibang mga biyaya na hindi naibigay sa maraming ibang mga Santo. Anong kababalaghan magkakaroon kayo sa Orden ng Carmelitas ng Banal na Mukha! At ngayon, tumalima kayo sa inyong Repormadora, magpatuloy kayo sa pagdarasal, pagkatapos ng aking basbas. Binabasbasan ko kayo.” (Inilagay ni Santa Teresa ang kanyang Puso sa kamay ni Padre Fernando. Nagwika ang seer: “At paano itong Linagos na Puso ay nandito sa aking kamay at nakatago rin sa Castile?” Sumagot si Santa Teresa:) “Aking anak: banal na mga Misteryo. Huwag kang masyadong mausisa. Malalaman mo ang lahat sa tamang panahon. Ngayon, sa nais ng Pinakabanal na Birheng Maria, ilagak mo ang Pusong ito sa iyong puso!” (Mariing idiniin ng seer ang Mistikal na Puso ng Doktora sa kanyang sariling puso.)
Ika-6 ng Agosto 1978
Santa Teresa ng Ávila
“Mahal kong mga anak: Heto ang Repormadora ng Carmel nangungusap sainyo. Binabati ko kayo, dahil ang inyong Pundador at Padre Heneral ay itinaas sa puwesto ng Bikaryo ni Kristo. Sa hapong ito, ang kalikasan mismo ang nagbalita sa pagkakatalaga sa pamamagitan ng paglipad ng paru-paro. Ito ay hindi pagkakataong kaganapan. Ito ay propetikong pagbabalita para sa mababa ang loob at payak ang puso.” (Paliwanag: Matapos malaman ang pagkamatay ni Papa Pablo VI, maraming mga Relihiyoso ang kasama ng Kataas-taasang Papa Gregoryo XVII ay nasa pinto ng kanyang silid sa Santa Fe de Bogota. Nakakita kami ng malaking paru-parong pumasok buhat sa lansangan dumaan sa hagdan, at lumipad sa paligid nito ito ay dumapo sa pinakagitna ng lintel o suporta ng pinto papasok sa kanyang silid. Tinawag namin ang maraming iba pa, pati na ang mga Relihiyosa na noon ay nasa Kapilya, upang makita ang kaganapan. Pagkatapos nito ay pumasok ang paru-paro sa silid ng Kanyang Kabanalan. Nakita namin lahat ang malinaw na indikasyon, ang palatandaan na ang kahalili ni Pablo VI ay matatagpuan doon. Ang paru-paro ay hinuli at itinago. (Patuloy na nagsalita si Santa Teresa:) “Buhat ngayon, ang Madre Heneral, si Madre Teresa, ay magiging Katuwang na Pundador, kasama ng Padre Heneral, sa Sangay ng mga kababaihan. Siya ang Cofoundress o Katuwang na Pundador. Binabasbasan ko kayo.”
Talambuhay ni Santa Teresa ni Hesus Koronada
Ika-4 ng Oktobre
Relihiyosa. Pundadora. Matriarka. Doktora. Dakilang Mistiko. Stigmatiko. Espiritwal na Martir. Kumpirmado sa Grasya. Repormadora ng Carmel at Bantog na Protektora ng Carmelitas ng Banal na Mukha. Sa mundo, Teresa de Cepeda y Ahumada, siya ay ipinanganak sa Ávila, Espanya, noong ika-28 ng Marso 1515. Siya ay anak ni San Alfonso Sánchez de Cepeda at ng kanyang ikalawang asawang si Santa Beatrice de Ahumada, na sa kasal na ito ay may sampung mga anak. Siya ay bininyagan sa parokya ng San Juan sa Ávila. Pinagkalooban ng aktibo at determinadong pag-uugali, sa gulang na pitong taon, dahil sa pagbabasa niya ng buhay ng mga Santo, ay kinumbinse niya ang kanyang kapatid na si Roderick na pumunta sa lupain ng mga muslim para dumanas ng pagkamartir para kay Kristo. Sila ay napigilan ng isang tiyuhin na dinala sila pauwi sa kanilang tahanan. Ganunpaman, nang sila ay sumapit na sa pagiging tinedyer, ang kanyang banal na mga damdamin nang bata pa ay parang tumamlay dahil sa pagbabasa niya ng mga aklat tungkol sa kagalantihan na pumuno ng kanyang imahinasyon, at naging masaya siya sa mga magagarang kasuutan at mga libangan, pero hindi naman nagkakasala sa Diyos nang malaki.
Pagkaraang mamatay ang kanyang ina noong 1528, ay ipinagkatiwala niya ang kanyang sarili sa mga bisig ng Pinakabanal na Birheng Maria bilang ulila. Para makalayo siya sa mga panganib ng mundo, at para makatanggap siya ng banal na edukasyon, noong 1531 ay ipinagkatiwala siya ng kanyang ama bilang ‘boarder’ sa Augustinian Religiosas of Holy Mary of Grace, sa Ávila, kung saan ay tumatanggap sila ng mayayamang mga nagsisimula pa lamang magdalaga, na pumunta doon para magkaroon ng progreso sa pag-aaral ng relihiyon at sa pagsabuhay ng kabanalan. Doon ay nagsimula siyang magdasal nang madalas at hiningi sa iba na ipagdasal siya para ipakita ng Diyos sa kanya nang maliwanag ang daan na kung saan siya ay mas makapagsisilbi sa Kanya. Kahit na wala siyang balak na maging isang Madre, alam niyang ang pagmamahal sa tao ay hindi tumatagal nang walang hanggan. Nagsimula siyang magdesisyon sa pagsuot ng belo, subali’t sa isang Orden na hindi kasing-higpit ng mga Augustinian. Nang madiskobre niya na ang kanyang bokasyon sa gitna ng hindi masabing mga pagpupunyagi, pagkaraang magkasakit, noong 1532 ay umalis siya at nagpalipas ng ilang panahon sa Hortigosa sa kanyang tiyuhing si Pedro Sánchez de Cepeda, at sa Castellanos de la Cañada kasama ang kanyang kapatid na si Maria de Cepeda, na may asawa. Pagbalik sa Ávila, makaraan ang malalim na pamumuni-muni, ay inihayag niya sa kanyang ama ang kanyang matatag na desisyon na maging isang Relihiyosa, at siya, kahit na napakabanal, ay humadlang na mawala sa kanya ang kanyang paboritong anak. Makaraan ang masidhing interior na pagpapakasakit, maagang-maaga noong ika-2 ng Nobyembre 1535, sa edad na dalawampung gulang, si Santa Teresa ay tumakas sa kanilang tahanan nang maaga sa umaga at pumasok sa Carmelite Convent of the Incarnation, sa Ávila, na dati na niyang dinadalaw nang maraming ulit, at kung saan ang relihiyosong buhay ay napakamaluwag, dahil nakalulungkot ang Orden ng Carmelita ay nanghihina, dahil isinantabi na nila ang naunang mga Patakaran. Ang wika ng Santa tungkol sa kanyang desisyon: “Nang ako ay umalis sa bahay ng aking ama, hindi ako naniwalang ang damdamin ay magiging mas matibay kung ako ay mamamatay, dahil ang pakiramdam ko na ang lahat ng aking mga buto ay nakalas na…” Sa loob ng kumbento ay may mga Madreng nabubuhay sa kariwasaan, may mga katulong, at iba pang nagkukulang sa pangangailangan sa buhay. Ang pagiging kulong na lugar ay halos hindi na umiiral. Noong ika-31 ng Oktobre 1536, ang kanyang ama ay lumagda sa sertipiko ng dote para sa kanyang anak, at nakuha niya ang abito noong ika-2 ng Nobyembre ng taon ding iyon. Tungkol dito ay sumulat siya: “Sa pagkakuha ko ng abito, ang Panginoon ay ipinaunawa sa akin kung paano Niya pinapaboran iyong mga gumagawa ng mga pagsisikap para pagsilbihan Siya.” Noong ika-3 ng Nobyembre 1537 ay ginawa niya ang kanyang propesyon bilang relihiyosa. Simula noon ay dinoble niya ang mga kinakailangan sa kanyang sarili, at ipinaubaya niya ang kanyang sarili sa malalaking mga penitensiya, sa gitna ng mga paghihirap sa espiritwal at kawalang-sigla.
Ang kanyang kalusugan ay humina sa punto na ang kanyang ama ay nagpadala ng pinakamagaling na mga doktor sa Ávila at distrito nito sa Incarnation, subali’t lalo lamang siyang lumalala. Dahil sa kanyang mga karamdaman, sa taglagas noong 1538 kinailangan niyang iwanan ang Incarnation at tumigil sa tahanan ng kanyang pamilya sa mahabang panahon. Kahit sinikap niyang ingatan ang kanyang kalusugan sa ibang mga paraan, ang karamdaman ay lumalala lalo, sa punto na noong ika-15 ng Agosto 1539, sa gabi, siya ay nawalan ng malay at nanatiling ganoon sa loob ng tatlong araw. Inakalang siya ay patay na, at inihanda na ang kanyang libingan. Magkagayon man, ang kanyang ama ay ayaw tanggapin na ang kanyang anak ay patay na at hindi pinayagan ang paglibing sa kanya. Nang siya ay magkamalay, ay bumalik siya sa Incarnation na napakahina. Noong Abril 1542 naramdaman niyang magaling na siya sa pamamagitan ni San Jose. Sa mahabang mga taon si Santa Teresa ay nagpatuloy ng buhay sa kumbento sa gitna ng kahungkagan at espiritwal na pagpupunyagi. Ang mga silid-tanggapan ng Incarnation ay tulad sa makamundong mga bulwagan na dinadalaw ng mga kababaihan at mga ginoo buhat sa mga maharlika. Si Santa Teresa, na kilala na ang pangalan sa Ávila ay ang pangunahing atraksiyon, at tumatanggap ng mga bisita mula sa maraming mga tao at dumadalo sa silid-tanggapan tulad ng iba. Noong ika-26 ng Disyembre 1543, ang kanyang amang si San Alfonso de Cepeda ay namatay, na inaalagaan ng kanyang anak. Noong 1554 isang malalim na interior na tranpormasyon ang naganap kay Santa Teresa, na may tiyak na pangako sa Diyos, sa pagkakita sa isang banal na imahen ng Sugatang Kristo.
Sinabi niya ang sumusunod: “Lumuhod ako sa tabi niya at lumuha nang sagana, nagmakaawa sa Kanya na bigyan Niya ako ng lakas nang tuluyan para hindi magkasala sa Kanya. Parang nasabi ko sa Kanya na hindi ako tatayo buhat doon hangga’t hindi Niya ginagawa kung ano ang hinihingi ko sa Kanya.” Buhat noon ay nakaranas siya ng napakalaking pagbabago sa kanyang buhay. Umiwas na siya sa silid-tanggapan at dinoble ang katapatan at alab ng kanyang panalangin. Madalas ang Mistikal na Kababalaghan, ang mga Konfesor sa Incarnation ay hindi siya maunawaan at ang ibang mga nakatataas ay inalarma siya sa pagsasabing ang espiritwal na mga pabor na sinasabi niyang natanggap niya ay ibinibigay lamang sa napakabanal na mga tao, at dapat ay mag-ingat siya at kung hindi ay lilinlangin siya ng demonyo. Si Kristo ay nagpakita sa kanya at nagsabi: “Huwag kang matakot, Aking anak, Ako ito. Hindi Kita iiwanan.” Ang mga pagkakita kay Kristo ay naulit, at kasabay nito ang pagmamahal sa Diyos ay lalong lumalago sa kanya, pagmamahal na napakainit na halos ay hindi na mapaglabanan, dahil siya mismo ay nagsulat: “Dahil nangako Siya sa akin, ang Kanyang Kamahalan ay nagsimulang magpakita nang mas maliwanag na Siya nga, sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos na lumalago nang napakalaki na hindi ko na alam kung sino ang nagbibigay nito sa akin, dahil ito ay napakasupernatural, na hindi ko rin hinanap. Naramdaman kong mamamatay ako sa kagustuhang makita ang Diyos… tunay na pakiramdam ko na ang aking kaluluwa ay tila napupunit.” Noong taong 1557, ang Heswitang Padre San Francisco Borgia, na dumaan sa iba’t-ibang dako ng Ávila, ay binigyan siya ng matalinong mga payo, at siya ay nakaramdam ng kaginhawahan at naaliw. Noong ika-25 ng Enero 1560, si Santa Teresa ay nakamit ang grasya ng Paglagos sa kanyang Puso at kasabay niyon ay ang ekstraordinaryong handog ng Pagkakompirma sa Grasya. Inilarawan niya mismo ito: “May nakita akong isang Anghel malapit sa akin sa bandang kaliwa sa pormang may katawan… Siya ay hindi matangkad, subali’t mababa, lubhang napakaganda, ang kanyag mukha ay mamula-mula na parang siya ay isa sa pinakamataas na mga Anghel… Sa kanyang mga kamay ay makikita ang isang mahabang gintong sibat, at sa pinakadulo ng sibat ay parang may maliit na apoy: animo’y lumagos ito sa aking puso nang napakaraming ulit at nakarating sa kailalimang mga bahagi ko. Nang ito ay alisin, pakiwari ko na dinala niya ang mga ito, at iniwan akong nag-aapoy sa dakilang pagmamahal sa Diyos…” Pagkaraan ng malaking banal na pabor na ito, patuloy ang hindi pagkaunawa ng hindi ekspertong mga konfesor. Noong Agosto 1560, ang Franciscanong Padre San Pedro ng Garavito, mula sa Alcántara, ay bumisita sa kanya sa Ávila, isang taong nasubukan at napatunayan na sa mistikal na mga bagay, na kung kanino si Santa Teresa ay ibinigay ang malinaw at totoong pangyayari sa kanyang buhay. Ang banal na Paring ito ay nagbigay sa kanya ng liwanag sa lahat at sinabihan siyang hindi dapat malungkot, na purihin ang Diyos, at sinigurung ang lahat ay galing sa Kanya. Ilang araw ang lumipas ang Santa ay nagkaroon ng nakatatakot na bisyon ng Impiyerno. Sa isang pagkakataon, sa may hagdanan ng kumbento ng Incarnation, ay nasalubong niya ang pinakamagandang Bata, mga labindalawang taong gulang. Tinanong Siya ng Santa: “Sino Ka?” Sumagot ang Bata: “At ikaw?” Ang Santa ay sumagot: “Ako si Teresa ni Hesus”. At ang Bata ay sumagot: “Kung ganoon, Ako si Hesus ni Teresa.” Nang Septyembre ng taon ding iyon 1560, si Santa Teresa ni Hesus, habang nagmumuni-muni tungkol sa pag-iisa sa buhay na pinangungunahan ng Propeta San Elias at ng kanyang Carmelitang mga anak sa Bundok ng Carmel, na binigyang inspirasyon ng Diyos ay nagpasiyang repormahin ang Orden ng Carmelita at nagpundar ng kumbento na may kahigpitan tulad ng naunang Patakaran ni San Alberto ng Herusalem, na ang esensyal na mga tampok ay: ganap na kulong na lugar, pag-aayuno, katahimikan at penitensiya, na kung saan ay dinagdagan niya ng iba pa, tulad ng hindi pagsusuot ng sapatos, at pamumuhay na galing sa limos. Sa banal na mandato ang bagong kumbento ay ilalagay sa ilalim ng titulong San Jose. Para gawin ito, umasa siya sa tulong ni San Pedro ng Garavito, mula sa Alcántara, at ibang kilalang mga protektor. Sa pamamagitan ng awtorisasyon ng Obispo at isang Pontipikal na Tagubilin mula kay Papa San Pio IV, noong ika-24 ng Agosto 1562, sa Ávila, ay ipinundar ni Santa Teresa ang kumbento ni San Jose, una sa Reporma o ang Discalced, kung saan ay inilagay niya ang unang mga Madre, na buhat noon ay namuhay nang pagdarasal at penitensiya, na may malaking pagkamahigpit, matinding karukhaan at istriktong kulong na lugar. Si Santa Teresa ay buong tapang na nalampasan ang sari-saring kahirapan at hinarap ang malaking persekusyon, higit sa lahat pagkontra mula sa maraming mga Madre sa kumbento ng Incarnation, at pagkakagulo sa bayan mismo, at kung saan ang konseho ay sinubukang hadlangan ang kumbento. Nguni’t siniguro ng Panginoon sa banal na Pundadora na hindi sila magtatagumpay. Sa bandang huli ay natunaw ang oposisyon, at noong 1563 ay nakakuha siya ng pahintulot na lumisan sa Incarnation at sumama sa kanyang mga anak sa San Jose. Ang Pinakabanal na Birheng Maria ay tinakpan ang mga Madre ng unang repormadong kumbento ng Carmelita ng Kanyang Kapa mula sa langit.
Si Santa Teresa ay patuloy na nagkaroon ng pinakamatayog na mga ekstasi at mga bisyon mula sa langit. Si Haring San Felipe II, nais na mareporma ang kumbento ng relihiyosong buhay sa kanyang nasasakupan, ay inanyayahan ang Carmelitang Heneral, si Padre Juan Bautista de Rubeo, na dalawin sila. Noong 1567, si Padre Rubeo ay dumating sa Espanya at binisita ang kanyang kumbento sa Castile. Siya ay puno ng paghanga doon sa Teresianang Reporma, kung kaya ay binigyan niya ng pahintulot ang Santa na magpundar ng bagong mga bahay ng mga Madre, gayundin ng mga Pari, mga bahay na tinawag niyang “Maliliit na bahay-kalapati ng Ating Birheng Mahinhin”. Noong ika-15 ng Agosto ng taon ding iyon, ay ipinundar ni Santa Teresa ang pangalawa niyang kumbento, sa Medina del Campo, Valladolid. Doon ay nagkaroon siya ng kontak kay San Juan ng Krus, na hindi pa natatagalan ay nagtapos ng kanyang pag-aaral sa Salamanca, at tumanggap ng kanyang Ordinasyon bilang Pari, at balak na lumisan sa Orden ng Carmel para pumasok sa Charterhouse. Kinumbinse siya ni Santa Teresa na lumahok sa Gawain ng Reporma, at siya ay naging pinakamalapit na katulong ng Santa sa kanyang mga plano sa reporma. Noong 1568 ay ipinundar niya ang unang ‘priory’ ng Reform of Discalced Friars sa Durelo, Ávila, na, noong ika-28 ng Nobyembre ng taon ding iyon ay sinimulan ni San Juan ng Krus at Antonio de Heredia. Ang mga pundasyong ito ay sinundan ng iba pa ng mga Madre at mga Pari. Noong 1571, sa atas ng ‘Apostolic Visitor’, si Santa Teresa ay itinalagang Superyora ng ‘calced convent of the Incarnation’ sa loob ng tatlong taon, na kung saan ang buhay relihiyoso ay nagiging maluwag. Ang banal na Pundadora, sa inspirasyon ng Diyos, ay tinanggap ang posisyon ng pagiging Superyora ng ‘calced convent of the Incarnation’ sa loob ng tatlong taon, at noong ika-14 ng Oktobre ng taon ding iyon ay umupo sa kanyang bagong tungkulin sa gitna ng malaking kaguluhan ng mga Madre na ayaw siyang tanggapin. Sa unang kabanata, ay inilagay niya ang imahen ng Our Lady of Clemency sa upuan ng superyora na nakatalaga sa Santa, matapos niyang ipakilala Siya sa mga Madre bilang tunay na Superyora, ay kinausap niya sila nang may sinseridad, mahusay na pakikitungo at kabaitan, na kahit ang pinakamatigas na mga puso ay sumuko. Siniguro ng banal na Pundadora na ang pagkain ay hindi magkukulang sa mga Madre, inilagay ang lahat sa perpektong kalagayan, itinigil ang silid-tanggapan at sinimulan ang disiplina sa kumbento; at maliban dito ay inilagay si San Juan ng Krus bilang konfesor. Sa maikling panahon ay lubusang nagbago ang mga pamamaraan ng mga Madre, at naging mga modelo sa pagdarasal, sakripisyo at pagmumuni-muni. Noong ika-18 ng Nobyembre 1572, ay nagpakita kay Santa Teresa ang Panginoon at sinabi sa kanya: “Simula ngayon, hindi lamang bilang Tagapaglikha at bilang Hari at bilang iyong Diyos ay ipagtatanggol mo ang aking dangal, subali’t bilang Aking tunay na esposa; Ang Aking dangal ngayon ay iyo na, at ang iyo ay Akin”. Nang taon ding iyon, ang Panginoon ay nagsabi sa kanya: “Iniisip mo ba, anak Ko, na ang merito ay nasa kaligayahan? Hindi ganoon, nguni’t nasa paggawa at nasa pagdurusa at nasa pagmamahal. Maniwala ka sa Akin, Aking anak, na ang sinumang mas minahal ng Aking Ama, ay binibigyan Niya ng mas mabigat na mga gawain, at doon sa kanila ang pagmamahal ay tumutugon. Paano Ko maipakikita ang Aking pagmamahal sa pagnanais na mapasaiyo ang ninanais Ko para sa Akin?” Noong ika-6 ng Oktobre 1574, tapos na ang tatlong taong pagiging superyora, ang Santa ay bumalik sa repormadong kumbento ni San Jose ng Ávila. Noong 1575, sa pundasyon sa Beas de Segura (Jaén), si Santa Teresa ay nakilala si Padre San Geronimo Gratian, na magiging konfesor niya at may mataas na tungkulin sa Carmelitang Reporma, na araw-araw ay lalong umuunlad. Sa taong 1576, ang Panginoon ay nagsabi sa kanya: “Alam mo na ang pagiging isa mo at Ako, at dahil ganoon, kung ano mayroon Ako ay saiyo rin. Kung kaya ibinibigay Ko saiyo ang lahat ng Aking mabigat na mga Gawain at mga Pighati na dinala Ko, at sa pamamagitan ng mga iyon ay makahihingi ka sa Aking Ama na parang ang mga Iyon ay iyo.”
Lumitaw ang bagong mga paghihirap, na sanhi ng Calced Carmelites, laban sa Reporma ni Santa Teresa, at ng iba pang mga kaaway. Ang kanyang mga plano sa reporma at para sa mga pundasyon ay nagdala kay Santa Teresa ng grabeng pagkakasalungat sa mga awtoridad sibil at ng simbahan. Nguni’t siya, sa kanyang malakas na espiritu, sa gitna ng mga karamdaman at kahirapang pinansiyal, ay buong tapang na hinarap ang malaking mga sagabal, mga paninira at mga persekusyon, at sinabing: “Si Kristo at ako, isang mayoriya”, na dumating sa puntong kinailangan niyang humarap sa paglilitis ng Pagsisiyasat, na malinis niyang napagtagumpayan. Si Padre Rubeo mismo, Heneral ng Orden ng Carmelita, na dating dakilang tagapagtanggol ng reporma ni Santa Teresa, na naimpluwensyahan ng lihim na pag-uusap, ay binawalan siyang magpundar pa ng mga kumbento at pinuwersa siyang tumigil na parang isang arestado sa isang kumbento sa Toledo. Ang bagong Nuncio o sugo ng Papa na si Felipe Sega ay dumating sa Madrid sa layuning tapusin ang Reporma at tinawag si Santa Teresa bilang “hindi mapakali at gumagalang babae, hindi sumusunod at matigas ang ulo”, at inakusahan din siyang nag-iimbento ng maling mga doktrina, na iniiwanan ang kanyang kulong na lugar at nagpupundar kahi’t na walang permiso mula sa Papa o mula sa Padre Heneral ng Orden. Noong 1578, ay isinailalim ni Sega ang discalced na mga Relihiyoso at mga Relihiyosa sa awtoridad ng ’calced provincials’. Ang nagbabanta at mapaghiganting Prinsesa ng Éboli, Ana de Mendoza, ay gumawa rin ng kanyang napakalupit na mga atake laban sa banal na Pundadora. Kay Santa Teresa at ang kanyang Discalced, ang mga banta, paninira at mga pagdurusa ay nagpatuloy. Ang kanyang pinakadakilang katulong, si San Juan ng Krus, ay biktima rin ng malupit na persekusyon at detensyon ng calced, at tinatratong hindi makatao. Si San Geronimo Gratian ay dumanas din ng persekusyon hanggang kamatayan at ikinulong sa priory ng calced sa Madrid. Ang labanan ay napakalaki na sa tingin ang Reporma ay matatalo.
Si Santa Teresa ni Hesus ay unang sumulat sa Hari ng Espanya, San Felipe II, humingi ng tulong para sa kanyang gawain, at sa bandang huli ay tinanggap ng hari sa isang paghaharap sa Alcázar ng Madrid. Si San Felipe II, isang taong walang maipipintas sa katapatan at dakilang pagkarelihiyoso, ay lubos na ipinahayag ang kanyang sarili sa pagsuporta sa reporma at isang dakilang tagahanga ng Santa. Ginamit ang kanyang awtoridad, pinatawag niya ang Nunciong si Sega, at sinisi niya ito nang mahigpit dahil sa ugali niyang maling kaisipan, at ang nuncio ay walang nagawa kundi ang sumunod sa hari. Napaikli ang persekusyon ng Reporma ng Carmelita. Ang dakilang Hari, noong 1580, ay nakakuha mula kay Papa San Gregoryo XIII na ang mga kumbento ng discalced na ipinundar ni Santa Teresa ay bumuo ng province o pamumuno na hindi saklaw ng calced. Sa ganitong paraan, ang Banal na Repormang Carmelita ay napangalagaan at napatibay.
Ang Dakilang Repormadora sa wakas ay nakapagpundar ng total na labimpitong kumbento para sa mga Madre at labinlima para sa mga Pari. Ang mga kumbento ng mga Madre ay: noong 1562, Ávila; noong 1567, Medina del Campo; noong 1568, Malagón; noong 1568, Valladolid; noong 1569, Toledo; noong 1569, Pastrana, nasarhan noong 1574 sa kasalanan ng prinsesa ng Éboli; noong 1570, Salamanca; noong 1571, Alba de Tormes; noong 1574, Segovia; noong 1575, Beas de Segura; noong 1575, Sevilla; noong 1576, Caravaca, sa pamamagitan ni Ana ni San Alberto; noong 1580, Villanueva de la Jara; noong 1580, Palencia; noong 1581, Soria; noong 1582, Granada, sa pamamagitan ni Santa Ana ni Hesus; at noong 1582, Burgos. Ang kalusugan ni Teresa ay pagkalaki-laki ang pagkasira. Mga paglalakbay, mga paghihirap, ang pagkasabik sa Diyos, ay noon ang siyang nakapagpahina sa kanya. Ang hindi makahiwalay na kanyang kasama at nars ay si Santa Ana ni San Bartolomeo. Noong ika-1 ng Oktobre 1582, sa kumbento ng Alba de Tormes, ay ipinahayag niyang ang kanyang kamatayan ay malapit na. Noong ika-3 ng Oktobre siya ay nangumpisal at tumanggap ng Huling mga Sakramento. Ang kanyang huling mga habilin sa kanyang mga anak ay: “Aking mga anak at aking mga superyora: sa pagmamahal sa Diyos ay hinihiling ko sainyo na isaalang-alang ninyong mabuti ang pagsunod sa mga Patakaran at ng mga Konstitusyon, dahil kapag sinunod ninyo ang mga iyon nang may kadaliang nararapat ninyong gawin, ay wala nang iba pang himala ang kailangan para kayo ay makanonisa; kung kaya nakita ninyo ang ehemplong ibinigay sainyo ng masamang Madreng ito, at patawarin ninyo ako”. Isa sa mga tinurang nakuha o narinig nila sa kanyang mga labi ay: “Ito na ang oras, aking Esposo, para tayo ay magkita.” Si Santa Teresa ni Hesus ay namatay noong ika-4 ng Oktobe 1582 sa edad na animnapu’t-pito, sa kumbento ng Alba de Tormes, Salamanca, na binabanggit ang mga katagang: “Nagpapasalamat ako Saiyo, Panginoon, dahil mamamatay akong isang anak ng Simbahan.” Ang araw makaraang siya ay mamatay, dahil sa reporma ng Gregorian Calendar, ay ika-15 ng Oktobre. Ang hindi nabubulok na katawan, pati na ang kanyang puso, ay matatagpuan sa Alba de Tormes.
Bilang dakilang manunulat at mistikal na Doktora, siya ay nag-iwan ng maraming importanteng mga sinulat, tunay na tampok ng universal na literatura. Sa pamamagitan ng mga iyon ang mistisismo ay umabot sa pinakamataas na tugatog ng ekspresyon at lalim. Ang gawaing pangreporma ni Santa Teresa ay napakabisa laban sa lutheranismo at iba pang mga erehya.
Si Papa San Gregoryo XVII ang Napakadakila ay nagturo: “Isang hindi magkakamaling doktrina na ang paglagos sa puso ng Mistikal na Doktora ng Ávila, Santa Teresa ni Hesus, ay gawa ng apoy sa porma ng isang sibat, maalab na nagmula sa Banal na Puso ni Hesus bilang tanda ng hindi mabuburang tanda ng mistikal na pagkakaisa sa pagitan nila pareho. Ang pagkakaisang ito ay superior sa iba pang mistikal na pagkakaisa na ibinigay ni Kristo sa ibang mga mistiko. Ang pagkakaisang ito ay iba sa karaniwang pagkakaisa sa relihiyosong buhay at doon sa nauukol sa partisipasyon ng Pari sa Mistikal na Katawan ni Kristo.” “Isang hindi magkakamaling doktrina na ang mistikal na Doktora ng Ávila, Santa Teresa ni Hesus, ay nakatanggap ng grasya ng kompirmasyon sa grasya sa eksaktong sandali nang siya ay mistikal na nakiisa kay Kristo sa pamamagitan ng paglagos.” “Isang hindi magkakamaling doktrina na ang mistikal na Doktora ng Ávila, Santa Teresa ni Hesus, ay nakaluklok sa trono sa kaluwalhatian sa langit sunod sa mga Apostoles na sina San Pedro at San Pablo.”
Hindi magkakamaling interpretasyon ni Papa San Pedro II ang Dakila tungkol sa sumusunod na mga bisyon at mga sulat ni Santa Teresa ni Hesus. «Si Santa Teresa ni Hesus ay nagkaroon ng bisyon sa Orden ng Huling mga Panahon. “Ang Carmelitas ng Banal na Mukha Kasama ni Hesus at ni Maria”, na ipinundar ni Papa San Gregoryo XVII ang Napakadakila. Si Santa Teresa ni Hesus ay nagsabi na, isang araw habang nagdarasal ay ipinaunawa sa kanya ng Diyos “ang malaking benepisyong gagawin ng Orden sa huling mga panahon at ang lakas ng mga kasapi nito para idepensa ang Pananampalataya.” Dahil sa mga Apokaliptikong mga Panahong ito sa gitna ng Pangkalahatang Pag-apostata, ang Katolikong Pananampalataya ay naipagpapatuloy sa pamamagitan ng matapang na Orden ng Carmelitas ng Banal na Mukha, na siyang pagbabago at kulminasyon o pagdating sa pinakamataas na lebel ng kaluwalhatian ng Orden ng Bundok ng Carmel.
Sa isang okasyon, nang si Santa Teresa ay nagdarasal sa harap ng Pinakabanal na Sakramento, ang isang Santo ay nagpakita sa kanya, na si Propeta San Elias, Pundador ng Carmel, kahit hindi niya ibinigay ang kanyang pangalan, na ipinaunawa sa kanya na ang Orden ng Carmel ay muling magiging maluwag sa Huling mga Panahon dahil sa progresibismong ipinasok sa Romanong Simbahan ng mga kaaway ng Katolikong Relihiyon. Pagdaka ay may ipinakita siya sa kanyang isang malaking aklat na nahahawakan niya, at sinabihan si Santa Teresa na basahin ang ibang mga letrang napakalaki at maliwanag, na nagsasabing: “Sa mga panahong darating ang Orden na ito ay lalawak; magkakaroon ng maraming mga martir.” Dito ay tinutukoy niya ang Orden ng Carmelitas ng Banal na Mukha, na ang mga kasapi ay daraan sa malaking persekusyon at pagiging martir sa kanilang pakikipaglaban kontra sa mga erehya at laban sa Antikristo sa personal.
Sa isa pang pagkakataon, si Santa Teresa ay patuloy na nagsabi, “sa Metins sa koro, mga anim o pitong mga kasapi nitong kaparehong Orden ay muling ipinakita sa akin, inilagay sa aking harapan na may mga espada sa kanilang mga kamay. Sa wari ko ang ibig sabihin nito ay ipagtatanggol nila ang Pananampalataya; dahil saan man, habang nagdarasal, ang aking espiritu ay pumapailanlang: parang ako ay nasa isang malaking parang, na marami ang naglalaban, at sila ng Orden na ito ay lumalaban nang buong sigasig. Maganda ang kanilang mga mukha at napakamamula-mula, at marami ang kanilang napabagsak, natalo at ang iba ay napatay. Sa tingin ko ito ay labanan kontra sa mga erehe.” Sa bisyong ito ay dinadakila ang karakter bilang mandirigma ng Orden ng Carmelitas ng Banal na Mukha o ‘Order of Crossbearers’, sa kanilang walang tigil na pakikipagdigma laban kay Satanas at sa kanyang mga kampon, sa pagtatanggol sa Katolikong Pananampalataya.
Si Santa Teresa ay ipinaunawa rin na si Propeta San Elias, na nakita niya nang napakaraming ulit ay sinabihan siya ng maraming mga bagay na may kinalaman sa dakilang Reporma ng Carmelita na kanyang isinasagawa, at nagpasalamat sa kanya sa mga dalangin at mga pagpupunyagi na kanyang ginagawa para sa Orden ng Carmel, na ang Orden ni San Elias, na ipinundar ng Banal na Propeta, at nangakong ihahabilin niya siya sa Panginoon. Kahit hindi sinabi ni Santa Teresa nang tahasan, ay sinabi ng Propeta San Elias sa kanya na sa Huling mga Panahon ang lahat ng ibang mga Relihiyosong Orden ay mawawala at tanging ang Orden ng Carmel ang mamamayani, Salamat sa pundasyon ng “Orden ng Carmelitas ng Banal na Mukha”, at na sa Katapusan ng Panahon ang lahat ng ibang mga Relihiyosong Orden ay mapapasailalim sa ‘Mother Order’ na ang Orden ng Bundok ng Carmel, na kung saan ang lahat ng mga ito ay nanggaling. Ganyan ang Orden ng Carmelitas ng Banal na Mukha ay kung paano gumaganap sa espiritu ng Ina sa lahat ng ibang mga Orden na sa ngayon ay bumagsak. Si Santa Teresa ay nagtapos sa pagsasabing: “Hindi ako ang nagpapakilala ng mga Orden: kung ang Panginoon ay mapagsisilbihan at ito ay makalaganap, ito ay sasabihin Niya, para ang iba ay hindi masaktan; subali’t ang lahat ng mga Orden ay dapat makakuha, o ang bawat isa sa kanilang sarili, na sa pamamagitan nila ang Panginoon ay gawing ang kanilang Orden ay mas pagpalain na, sa oras ng mahigpit na pangangailangan ng Simbahan ngayon, sila ay nagsisilbi sa Kanya. Masaya ang mga buhay na nagtatapos sa ganoon!” Sa mga misteryosong mga pananalitang ito, si Santa Teresa ni Hesus ay nagbibigay ng payo sa lahat ng Relihiyosong mga Orden na umiiral na sa kanyang panahon, at doon sa mga darating pa sa bandang huli, na gaano man katapat ang pagsunod at kabanalan nila, mas malaki at dakila ang kaluwalhatian ng Orden ng Bundok ng Carmel, dahil siya ang ina ng lahat ng mga ito.
Kinanonisa ni Papa San Gregoryo XV ang Dakila noong ika-12 ng Marso 1622. Idineklarang Doktora ng Simbahan ni Papa San Pablo VI noong ika-27 ng Septyembre 1970.