Mga mensahe buhat sa Langit na ibinigay kay Clemente Dominguez y Gomez, ngayon
Papa San Gregoryo XVII, ang Napakadakila
ni San Pio ng Pietrelcina
Noong Ika-5 ng Hulyo 1970
sa harap ng puntod ni Padre Pio sa San Giovanni Rotondo, si Clemente ay nakatanggap ng sumusunod na Mensahe na ibinigay rin mismo ni Padre Pio: “Aking anak: Ang Rosaryo ng mga Ama Namin ay hindi ko kapritso. Ito ay pangangailangan, upang mabago ang kasamaan ng sangkatauhan. Binabasbasan ko kayo.”
Ika-20 ng Disyembre 1974
(San Giovanni, Rotondo. Puntod ni Padre Pio. Umaga, ang Paring Venezuelan ay nagdaos ng Banal na Tradisyonal na Misa sa Altar katabi ng puntod ni Padre Pio. Pagkatapos ng Banal na Misa, ang lahat ay nagdarasal doon, si Clemente Dominguez ay nagkaroon ng sumusunod na Mensahe:)
Padre Pio ng Pietrelcina
“Aking mga anak: Binabasbasan ko kayo bilang ama. Hinihintay ko ang pagdalaw ninyo nang may bukas na bisig, sapagka’t ang anak kong ito ay nangako ng pagbisitang ito sa pasasalamat. Sa kalooban ng Kataas-taasan, ako ay ang Protektor ng El Palmar at ng Vergel. Importanteng ang mga Madre at ang mga Pari ng Vergel ay sumamo sa akin nang mas madalas. Tutulungan ko ang layunin ng Vergel. Binabasbasan ko kayo.” .” (Inilalahad namin na si Clemente Dominguez ay nag-alok na dumalaw sa puntod ni Padre Pio sa pasasalamat kapag naibigay niya ang mga Dokumento direkta sa Santo Papa. Dahil sa kakulangan sa pinansyal ay nagdesisyon si Manuel Alonso na baguhin ang ruta ng paglalakbay pabalik sa Espanya. Subali’t nais ni Clemente Dominguez na matupad ang kanyang promisa sa anumang paraan, at kami lahat ay pumunta sa puntod ni Padre Pio. Nang araw ding iyon Ika-20 ng Disyembre, sa umaga, kami ay umalis sa San Giovanni Rotondo patungong Monte Sant’Angelo, lokasyon ng Santwaryo ni Arkanghel San Miguel. Pagkaraan ay binisita namin ang Santwaryo ng Loreto, at ng hapon ding iyon ay umalis papunta sa bayan ng Sigillo, kung saan ay maraming mga deboto ng El Palmar. Dumating kami ng gabi, at tinanggap nang may tunay na pagmamahal bilang kapatid, tulad sa ibang mga okasyon. Kami ay natulog sa Kumbento ng Agustinong mga Ina ni Santa Ana.)
Ika-9 ng Hulyo 1980
(Mga alas 12:00 ng tanghali, dumating kami sa San Giovanni Rotondo. Pumasok kami sa Simbahan, tumuloy sa silid (libingan) sa ilalim ng lupa, at nagdasal sa harap ng puntod ng dakila at Banal na Martir, si San Pio ng Pietrelcina, kinanonisa ng Kanyang Kabanalan Papa Gregoryo XVII, na sa unang pagkakataon bilang Papa, ay lumuhod at nagdasal sa harap ng mga relikya ng minamahal na Santong ito, na nagpakita ng napakaraming beses sa El Palmar de Troya. Mga sandali ng hindi maipaliwanag na emosyon! Sa panahon ng kanyang pagdarasal, alas 12:30 ng hapon, si San Pio ay nagpakita at nagbigay sa Santo Papa ng sumusunod na Mensahe:)
San Pio ng Pietrelcina
“Minamahal na Bikaryo ng Ating Panginoong Hesukristo:
Puno ng nag-uumapaw na kaligayahan ay ipinapakita ko dito ang kasiyahan na aking nadarama sa aking puso sa iyong apostolikong pagdalaw; pagdalaw na kung saan ay gumawa ka ng kaunting reparasyon para sa maraming mga pagkakasalang natatanggap ni Hesus sa lugar na ito.
Patuloy akong Protektor ng El Palmar de Troya; lagi akong masigasig hanggang sa pinakamaliit na mga detalye, para sa ikabubuti ng Dakilang Gawain ng El Palmar.
Masigasig kong hinahangad na ang konstruksyon ng El Palmar ay mahigitan ang lahat ng nagawa na sa mga nakaraan; na kung saan ay pautos akong nakikiusap sa mga mananampalataya na ipakita ang kanilang napakasaganang pagkabukas-palad.
Malungkot at nakalulungkot lagi na kailangan pang humingi sa mga mananampalataya, na kung tutuusin mas nakalulugod sa Diyos kung iyon ay manggagaling mismo sa kanilang sariling kagustuhang pagkabukas-palad.
Ako, bilang Kapitan ng mga Sundalo ni Maria, ay pangangalagaan sa pinakanatatanging paraan, sa mga araw ng kastigo at kadiliman, iyong mga mananampalatayang bukas-palad para sa El Palmar, ayon sa kanilang tunay at awtentikong kakayahan; sapagka’t marami ang maaaring magbigay subali’t ayaw, at ang iba ay nais subali’t hindi kaya. Binabasbasan ko kayo.”
Ika-23 ng Septyembre 1974
Parangal kay Padre Pio ng Pietrelcina
(Sagradong Lugar ng Lentisko sa El Palmar de Troya. Mga ala-1:00 ng madaling araw, ay nakita ni Clemente ang Pinakabanal na Birheng Maria; pagkatapos ang Ating Panginoong Hesukristo at si Padre Pio.
Sa araw na ito ang ikaanim na Anibersaryo ng Kamatayan ni Padre Pio ng Pietrelcina ay ginunita. Sa San Giovanni Rotondo, noong ika-23 ng Septyembre 1968, ay isinuko ni Padre Pio ang kanyang kaluluwa sa Diyos bandang mga alas 2:30 ng madaling araw, habang inuusal ang pinakamatamis na mga salitang ‘Hesus at Maria’. Si Padre Pio ay kilalang tao sa mga Aparisyon ng El Palmar de Troya. Ang kanyang mga Aparisyon sa mga seers ng Sagradong Lugar ay napakadalas. May mga pagkakataong si Padre Pio ay nagpapakita araw-araw sa El Palmar, at maraming beses sa isang araw. At saka, ang kanyang presensya sa El Palmar ay nalalaman ng maraming mga peregrino sa paraan ng mga bagay na kahanga-hangang palatandaan, tulad ng mga pabango. Si Padre Pio ay nakita sa El Palmar de Troya sa unang pagkakataon noong siya ay nabubuhay pa, ilang panahon buhat nang ang mga Aparisyong ito ay nagsimula. Ang pagpabor para sa El Palmar de Troya ng Santong ito na may Stigmata o mga Sugat ni Kristo ay hindi nakapagtataka, dahil siya mismo ay nagpropesiya na ang Pinakabanal na Birheng Maria ay magpapakita sa Espanya sa isang nayon na matatagpuan sa pagitan ng mga syudad ng Sevilla at Cadiz. Tayong mga deboto ng El Palmar ay dapat magpasalamat ng malaki kay Padre Pio dahil, sa madalas niyang pangangalaga at pagbabantay sa Sagradong Lugar na ito. Si Padre Pio, sa isa sa kanyang mga aparisyon, ay tinuruan tayo ng pagdasal sa Banal na Rosaryo Penitensiyal ng mga Ama Namin, na tinatawag ding ganoon ni Padre Pio. Si Padre Pio ay matiyagang nagsasalita sa mga seers ng El Palmar; at sa pamamagitan nila ay naipaabot ang mga basbas, mga pangaral, patnubay, mga salita na nagbibigay ng pag-asa at lakas, mga kritisismo, mga atensyon at iba pa, sa marami sa napakaraming mga peregrino na dumadalaw sa Sagradong Lugar na ito. Ang Dakilang Repormadora ng Carmel, si Santa Teresa ni Jesus, ay sinabihan si Clemente Dominguez na hindi dapat natin makalimutang humingi para sa pamamagitan o pakikipag-ugnay ni Padre Pio; ipinaalam niya rin kay Clemente ang maraming mga paghihirap at ang matayog na kaluwalhatiang tinatamasa sa Langit ng Banal na Stigmatiko. Maliban dito, sinabihan ni Santa Teresa ni Jesus si Clemente tungkol kay Padre Pio:) “Dapat kayong magdasal para mapadali ang kanyang kanonisasyon. Nais ko, kalakip ng mithiin ng Birheng Maria, na matapos ang kanyang kanonisasyon, ay magkaroon siya ng may Pribilehiyong Altar sa Kapilya ng Sagradong Lugar na ito pagdating ng panahon, upang protektahan niya kayo sa mga araw ng kadiliman.” (Ang misyon ni Padre Pio sa Huling mga Sandaling ito ay may ekstraordinaryong importansya.
Alalahanin natin ang Mensaheng ibinigay ni Padre Pio kay Clemente Dominguez noong ika-27 ng Abril 1972 sa harap ng kanyang puntod sa San Giovanni Rotondo; Sinabi ni Padre Pio sa kanya:) “Ako ay itinalaga ng Ating Panginoong Hesukristo na patnubayan ang mga Apostoles ni Maria sa Huling mga Panahon. Hinihingi ko doon sa mga nais na maging kabahagi ng Krusada para sa Paghahari ni Maria na tanggapin ako bilang Kapitan ng Hukbo ni Maria. Sinisiguro ko sainyo na si Maria ay magtatagumpay…” (Noong ika-23 ng Agosto 1972, sa okasyon ng isang peregrinasyon ng Italyanong Pari at maraming mga mananampalataya, si Padre Pio ay nagpakita kay Clemente Dominguez at sinabihan siya:) “Bilang mabuting katiwala ng Sagradong Lugar na ito, nandito ako para magpaalam sainyo. Maliliit kong mga anak: pagtiwalaan ninyo ako. PINANGANGALAGAAN KO ANG LUGAR NA ITO SA MGA KALABAN. NANDITO AKO SA PASUKAN O PINTUAN, BINABANTAYAN ANG PINAGPALANG LUGAR NA ITO; kung kaya nais kong magpakita dito ngayon.” (Nawa ang may pagmamahal na parangal na ito kay Padre Pio sa ikaanim na anibersaryo ng kanyang kamatayan, ay maging akto ng pasasalamat sa ngalan ng lahat ng mga deboto ng El Palmar sa napakalaking Santong ito. Sa gabi ay idinaos ang Banal na Misa sa pagpupugay kay Padre Pio. Sa Lentisko ng El Palmar, isang maliit na imahen ni Padre Pio ay binibigyang pugay, kasama ang iba pang mga imahen ng ibang mga Santo.)
Talambuhay ni San Pio ng Pietrelcina
ika-23 ng Septyembre
Presbiter. Relihiyoso. Doktor. Dakilang Mistiko. Istigmatiko. Ispiritwal na Martir. Apostol ng Rosaryo Penitensyal. Dakilang Protektor ng Carmelitas ng Banal na Mukha. Tinawag na Francisco Forgione de Nunzio sa mundo, siya ay ipinanganak sa Pietrelcina, Benevento, Campania, Italya, noong ika-25 ng Mayo 1887, sa matalik na katamtamang magsasakang pamilya. Anak ni Gracio Maria at ni Maria Josefa, siya ay pang-apat sa kanilang pitong mga anak. Ang kanyang pamilya ay napakahirap kaya sa dalawang pagkakataon ang kanyang ama ay kinailangang pumunta sa Amerika. Ang kanyang kabataan ay nagdaan sa katahimikan ng kanyang bayan, na dedikado sa gawaing pang-agrikultura. Mahina ang kanyang kalusugan, siya ay huwarang Kristiyano. Nais niya ang katahimikan at pag-iisa at regular na dumadalo sa parokyang simbahan, kung saan siya ay nagdarasal nang matagal. Sa edad na limang taon ay nagsimula ang kanyang unang mistikal na kababalaghan, na hindi niya sinabi kahit kaninuman hanggang dumaan ang mga taon. Siya ay nag-aral ng primarya sa Pietrelcina. Sa murang edad siya ay nakaramdam ng naising ikonsagra nang buo ang kanyang sarili sa Diyos.
Si San Pio ay pumasok sa Kaputsina sa kumbento ng Morcone noong ika-6 ng Enero 1903, at noong ika-22 ng parehong buwan ay natanggap ang relihyosong abito at ang pangalang Pio. Noong ika-25 ng Enero 1904, siya ay inilipat sa kumbento ng San Elias sa Pianisi, probinsiya ng Campobasso, kung saan siya ay nagsimula ng kanyang mga pag-aaral sa pilosopiya, natapos ang mga iyon noong 1906. Sa panahong iyon ang ibang mga mistikal na mga kababalaghan ay muling dumating sa kanyang buhay. Pinahalagahan ng kanyang mga superior ang kanyang pagiging masigasig, kahandaan at pagiging masunurin. Noong ika-27 ng Enero 1907, ay ginawa niya ang kanyang perpetwal na mga pangako. Ginawa niya ang kanyang Teolohikong mga pag-aaral sa ‘Capuchin formation centers’ ng Serracapriola at Montefusco.
Hindi siya nakilala sa kanyang karunungan, nguni’t sa kanyang asal, laging mapagpakumbaba, mabait at masunurin. Simula sa mga unang buwan ng taong 1909 hanggang Pebrero 1916, dahil sa isang misteryosong karamdaman, at maliban sa ilang mga pagitan, siya ay tumira sa tahanan ng kanyang pamilya sa Pietrelcina, ang kanyang tinubuang bayan, sa isang klimang mas paborable sa kanyang kalusugan. Doon ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pormasyon sa Teolohiko at pinilit ang kanyang sarili na mabuhay sa buhay ng pagdarasal, sumasali sa relihiyosong mga serbisyo sa Parokyang Simbahan. Siya ay inordinahang Pari noong ika-10 ng Agosto 1910 sa Benevento katedral, at puno ng malaking kaligayahan pagkatapos ay nagdaos ng kanyang unang Misa sa simbahan ng Pietrelcina.
Ang kanyang katahimikan ay hindi pangmatagalan, datapwa’t dahil siya ay teribleng nagdurusa sa masamang mga tukso at ang demonyo ay iniisturbo ang kanyang kaluluwa sa iba’t-ibang paraan. Ang pakikipaglaban ni San Pio sa infernal na kaaway ay umakyat sa hindi malamang kataasan. Noong ika-28 ng Marso 1913, siya ay nagkaroon ng bisyon kay Hesukristong nagdurusa, lubos na dispigurado at sa nakaaawang kalagayan. Inalo siya ni Kristo at ni Maria sa pamamagitan ng madalas na mga aparisyon at gayundin ang demonyo ay ginawa ang lahat ng paraan para maging imposible sa kanya ang buhay. Noong Septyembre 1910 ay natanggap niya ang stigmata o mga sugat ni Kristo, hindi nakikita, subali’t masakit sa ibang mga pagkakataon. Noong mga taong 1915 hanggang 1917, noong Digmaang Pandaigdig I, may mahabang mga pagliban dahil sa pangkalusugang mga kadahilanan, siya ay nagsilbi sa armada bilang isang sundalo sa Benevento, Naples at Foggia. Noong ika-4 ng Septyembre 1916, si San Pio ay ipinadala sa kumbento ng San Giovanni Rotondo, isang maliit na bayan sa Bundok ng Gargando, kung saan siya ay mananatili sa natitirang limampu’t dalawang taon ng kanyang buhay. Sa kanyang pagpasok sa kumbentong ito ay nagsimula ang bagong yugto ng kanyang ministro sa ispiritwal na direksiyon. Sa simula ay ipinagkatiwala sa kanya ang ispiritwal na pagbuo sa maliit na eskwelahan ng kumbento. Noong ika-20 ng Septyembre 1918, ay natanggap niya ang nakikitang stigmata ng Pasyon ni Kristo. Katatapos pa lamang niya ng pagdaos ng Banal na Misa, habang siya ay nasa koro at nagpapasalamat, ay nakita niya ang Banal na Kristo sa krus ng kumbento na nabuhay, at ang mga paa, mga kamay at ang dibdib ng Panginoon ay nagdurugo nang labis. Sa bisyong ito ay naramdaman ng banal na Kaputsina na parang siya ay mamamatay, at nang matapos ang bisyon ay nakita niya na ang kanyang mga paa, mga kamay at dibdib at nalagos, ang dugo ay umaagos. Tungkol sa pagkakatanggap ng mga sugat, ang Santo mismo ay nagkuwento: “Gaano kadalas na sinasabi sa akin ni Hesus: ‘Malamang iiwanan mo Ako, Aking anak, kung hindi Kita ipinako sa krus. Sa ilalim ng krus ang isa ay natututong magmahal, at hindi Ko ibinigay ang krus na ito sa buong mundo, kundi doon lamang sa mga kaluluwang Aking minamahal’.”
Ang mga ito at iba pang mga ekstraordinaryong mga karisma o kapangyarihang ispiritwal na ibinigay ng Diyos ay nagdala sa kanya ng katanyagan sa buong mundo, nguni’t may kasabay ding walang katapusang mga problema at pagdurusa. Noong 1919 ang stigmata ay sinuri ng maraming mga doktor, at nagkakaisang nagbigay ng opinyon na ang mga iyon ay tunay na mga sugat na hindi dala ng anumang natural na dahilan. Ganoon pa man, nang sumunod na taon ang isang taga Milanong Franciscanong Pari na si Augustine Gemelli, isang mahusay na doktor, ay ineksamin ang mga sugat at binigyan ang Banal na Pamunuan ng negatibong ulat, na naging daan bilang argumento para sa mga sumisira sa banal na Kaputsina. Makalipas ang isang buwan si Monsenior Sily, makaraang dumalaw kay San Pio, sa kanyang pagbabalik sa Batikano ay nagbigay ng ulat ng papuri sa kaso sa Papa San Benedicto XV ang Dakila, na nagbigay sa banal na Kaputsina ng kanyang patuloy na pagsuporta. Maraming mga perigrino ang pumunta sa kumbento ng San Giovanni Rotondo, at si San Pio ay nagpakumpisal sa mga lalake at mga babae araw-araw sa loob ng maraming mga oras. Ang mga Aristokrat, mga manggagawa, mga bata at matatanda ay pumunta para makita ang banal na istigmatiko, na nagdaos ng Banal na Misa sa harap ng maraming taimtim. Ang mga tao ay nagsisiksikan para makinig ng kanyang Misa, makatanggap ng payong ispiritwal, o kaya naman ay para lamang mahawakan siya at makakuha ng mga relikya. Noong ika-6 ng Pebrero 1922, si Papa San Pio XI ang Dakila ay napili. Noong ika-11 ng Mayo ng parehong taon ang unang disiplinaryong mga hakbang ay ginawa laban kay Padre Pio na nakatanggap ng kasuguang magdaos ng Banal na Misa nang pribado sa madaling araw, at pinagbawalang magbigay ng basbas sa mga tao o ipakita ang kanyang mga kamay na may stigma. Magkagayon man, may paborableng mga ulat medical at ispiritwal ang ipinadala sa Batikano. Noong Hunyo 1922 ang kurapto, malibog at nagbebenta ng mga puwesto at pagpapatawad sa simbahan at kahalintulad na obispo ng Manfredonia, si Pascual Gagliardi, sa harap ng mga kardinal at mga obispo ng Kongregasyon ng Kapulungan, ay buong kasinungalingang nagpahayag: “Nakita ko mismo si Padre Pio na naglagay ng pulbos at nagpabango sa sarili, at nang ako ay nagbisita sa kumbento ay nadiskubre ko ang isang botelya ng ‘nitric acid’ na kung saan ay ipinapalabas niya ang kanyang stigmata at isang bote ng ‘eau de Cologne’ o pabango para ang mga ito ay bumango. Idinedeklara ko ito bilang pagsumpa. Si Padre Pio ay nasasapian ng demonyo at ang mga monghe sa San Giovanni Rotondo ay isang pangkat ng mga mandaraya.”
Noong ika-31 ng Mayo 1923, ang Banal na Pamunuan ay naglabas ng isang negatibong kasuguan tungkol sa banal na Kaputsina. Sa sumunod na sulat ay pinagdebatehan ang posibilidad na paglilipat sa kanya. Si San Pio ay hinarap ang kanyang kahihinatnan at napakamatiwasay, nagsabi: “Maaari nilang gawin sa akin ang gusto nila, basta huwag nila akong pagbabawalang magdaos ng Misa at tanggapin si Hesus sa aking puso.” Buhat noong ika-25 ng Hunyo 1923, maraming libong mga tao, pinangungunahan ng meyor ng San Giovanni Rotondo, ang nagpakita sa harap ng pintuan ng kumbento hinihingi ang pagsuspendi sa ipinalabas na tadhanang parusa ukol sa disiplina. Nang sumunod na araw, si San Pio ay nagdaos ng Misa sa simbahan ng mga prayle sa harap ng kanyang mga mananampalataya. Sa Hulyo ng taon ding iyon ang Heneral ng mga Kaputsina ay nakatanggap ng kasuguan mula sa Banal na Pamunuan na ilipat si San Pio sa kumbento ng Ancona. Sa San Giovanni Rotondo ang tensyon ay naging malala, dahil ang lahat ay humihingi na ang banal na Kaputsina ay manatili sa kanyang kumbento. Ang paglipat ay hindi naganap. Noong ika-24 ng Hunyo 1924, ang Banal na Pamunuan ay humiling sa mga mananampalataya na huwag magkaroon ng anumang uri ng pakikipag-ugnayan kay San Pio, para ang kanyang pagkakahiwalay ay ganap. Noong ika-11 ng Hulyo 1926, ang Banal na Pamunuan ay hiningi sa mga mananampalataya na tigilan ang pagdalaw sa kanya. Noong Mayo 1931 ay isang Dekrito ng Banal na Pamunuan ang nag-aalis sa banal na Kaputsina ng lahat ng kapangyarihan sa pagiging ministro bilang pari maliban sa pagdaos ng Banal na Misa nang pribado, subali’t hindi sa pampublikong simbahan. Noong ika-13 ng Marso 1933, si Papa San Pio XI ang Dakila ay nagpadala ng isang komisyon para bisitahin si San Pio, at ang paborableng ulat na ipinadala nito sa Papa ay pinayagang mabago ang sitwasyon, sa malaking kagalakan ng mga tao. Noong ika-14 ng Hulyo 1933, sa pamamagitan ng isang Dekrito ng Banal na Pamunuan siya ay pinayagang magdaos ng Misa sa publiko at magpakumpisal. Si San Pio, kung ganoon ay nagtamasa ng kaugnay na Kalayaan at bumalik sa kanyang aktibidad bilang direktor ng mga konsensya. Ang kanyang ispiritwal na mga anak ay patuloy na dumarami at ang kanyang kumpisyonal ay hindi man lamang nababakante, dahil libong mga perigrino ang pumupunta sa kumbento araw-araw. Noong ika-2 ng Marso 1939, si Papa San Pio XII ang Dakila ay napili.
Ang Digmaang Pandaigdig II ay nagdala ng kasawiangpalad at pagdurusa sa San Giovanni Rotondo, at hanggang sa pagtapos ng digmaan ang kumbento ng Kaputsina ay tumanggap ng mga sundalo sa naglalabang mga armada, ang lahat ay tumatanggap ng parehong atensyon mula sa banal na Kaputsina. Noong 1940 si San Pio ay nakaisip ng ideya na magpundar ng isang bahay para sa mga may sakit at ipinagkatiwala ito sa tatlong mga doktor, na nagbuo ng komite para isakatuparan ang gawain. Buhat noong 1941 ang komite ay nakatanggap ng malaking mga halaga ng pera. Ang pagtayo ng ‘Casa Sollievo della Sofferenza’ o Bahay para sa kaginhawahan ng mga nagdurusa ay nagsimula noong ika-19 ng Mayo 1947, at ang dakilang gawain ay natapos noong Disyembre 1949. Ang ibang mga mapagbigay na mga donor ay patuloy na nagbibigay ng malaking halaga ng pera. Ang katanyagan ni San Pio ay dumating sa rurok nito sa panahong ito, dahil siya ay pinoprotektahan ng Banal na Pamunuan, pinuri ng mga media at hinangaan ng marami. Subali’t ang inggit ay lumitaw sa ulo nito sa hindi inaasahang pagkakataon, at noong ika-16 ng Enero 1952, ang Banal na Pamunuan ay nagpadala ng sulat sa superior-heneral ng mga Kaputsina itinuturo ang maraming mga paglabag sa batas ng Simbahan sa kumbento ng Kaputsina. Makaraan ang ilang mga buwan, walong mga talambuhay ni San Pio ay inilagay sa Index o talatuntunan. Ang inagurasyon ng Casa Sollievo della Sofferenza ay naganap noong ika-5 ng Mayo 1956, pinangunahan ni Kardinal Jacob Lercaro, Arsobispo ng Bologna. Maraming libong mga tao, kasama ang mga mamamahayag, mga politiko at mga doktor, ang dumalo sa seremonya. Si Papa San Pio XII ang Dakila, sa pamamagitan ng telegrama, ay nagpadala ng kanyang pagbati para sa dakilang gawain at ang kanyang makaamang apostolikong basbas kay San Pio, sa mga tauhan at doon sa mga dumalo. Si San Pio ay nagdaos ng Banal na Misa sa harap ng ospital.
Simula 1957, gayunman, panibagong persekusyon kontra kay San Pio ng Pietrelcina ay nagsimula. Ang kanyang mga kaaway ngayon ay nag-aakusang siya ay humahawak ng malaking halaga ng pera, dahil siya ay tumatanggap ng napakalaking halaga sa mga limos para maisakatuparan ang kanyang gawain. Si Papa San Pio XII, isa sa dakilang tagapagtanggol ng banal na Kaputsina, ay namatay noong ika-9 ng Oktobre 1958. Ang matapat at maaasahang administrador ng Casa Sollievo, si Angel Battisti, ay nagpadala ng ulat ng kwenta sa Banal na Pamunuan bawa’t taon. Ang mga Obispo at mga Relihiyoso ay sinubukang mapasakamay nila ang mga donasyong natanggap ni San Pio para sa kanyang gawain. Magiging matagal at nakapapagod ang magtalakay sa mga bagay na may kinalaman sa pera. Ang ibang Italyanong mga obispo ay nagsalita laban sa banal na Kaputsina.
Ang isa sa kanila ay ang tampalasan at sakim na si Bortignon, obispo ng Padua na, noong ika-2 ng Hulyo 1959, ay nagbigay kay San Juan XXIII ng isang negatibong ulat. Noong 1960 muling naganap ang kaguluhan sa kumbento ng San Giovanni Rotondo. Isang prelado mula sa Banal na Pamunuan ang ipinadala sa kumbento at nagpadala ng paborableng ulat tungkol kay San Pio, gumagarantiya ng magandang pamamalakad ng Casa Sollievo. Nguni’t ang kanyang mga kalaban, para maibagsak si San Pio ng Pietrelcina, ay gumawa ng makaimpiyernong pakana ng paglalagay ng tatlong mikropono para marinig kung anuman ang kanyang sasabihin: isa sa kanyang selda, isa sa silid tanggapan at isa sa kanyang kumpisinaryo. Ang lahat ay pinlano ng ilang mga kardinal, mga obispo, ang superior-heneral ng Orden at iba pang mga nakatataas na mga superior. Ang pakikinig ay nagsimula noong ika-9 ng Mayo 1960, at ang lahat ay nakarekord sa ‘magnetic tapes’. Ang tampalasang obispong si Bortignon ay nagpresenta ng isang napakahabang nag-aakusang ulat sa husgado ng Banal na Pamunuan, na kung saan si San Pio ay inakusahan ng isang ‘charismatic schism’ o karismatikong pagkakahiwa-hiwalay. Noong ika-16 ng Oktobre isang Italyanong peryodiko ang naglarawan kay San Pio bilang “pinakamayamang Kaputsina sa mundo.” At noong ika-5 ng Nobyembre sa taong 1960, ay panibagong pagbabawal na mga hakbang ang ginawa laban sa banal na Kaputsina, para malimitahan ang kanyang pakikipag-ugnayan sa mga mananampalataya, at isang pintuang bakal ang inilagay sa bukana papasok sa simbahan kung saan siya ay nagdaraos ng Banal na Misa. Ang banal na Kaputsina ay napilitang mamuhay tulad sa isang bilanggo, sapilitang inihiwalay, maliban sa mga pagkumpisal, subali’t mahigpit na binabantayan. Ang oras ng kanyang pagdaos ng Banal na Misa ay limitado rin. Si San Pio ay nakakukuha lamang ng konsolasyon sa pagdarasal at meditasyon, nabubuhay na ang mga mata ay nakatutok lamang sa nakapakong Kristo. Nakarating sa kanya na ang Banal na Pamunuan ay nais na maging may-ari ng Bahay-Ospital sa San Giovanni Rotondo, na kung saan ay umayon si San Pio, ibinigay ang kanyang mga ari-arian sa pamamagitan ng legal na akto. Ang banal na Kaputsina ay nakatatagpo lamang ng suporta sa kanyang maraming ispiritwal na mga anak, na laging nakahandang mapagaan ang kanyang mga pagdurusa. Noong ika-19 ng Hunyo 1963 ay napili si Papa San Pablo VI. Buhat noon ang sitwasyon ay nagbago, at noong ika-30 ng Enero 1964, ang banal na Kardinal Ottaviani ay ipinaalam sa provincial ng Kaputsina na si San Pablo VI ay balak na ibalik ang ganap na Kalayaan kay San Pio. Ang huli, ang kanyang pisikal na kalusugan ngayon ay mahina na, ay kinakailangan nang iangat sa Altar kapag siya ay nagdadaos ng Banal na Misa. Noong ika-22 ng Septyembre 1968, ang mga Kaputsina ay solemneng nagdiwang ng ikalimampung anibersaryo ng istigmatisasyon ni San Pio, at libong mga perigrino ang pumunta sa kumbento ng San Giovanni Rotondo. Ang banal na Kaputsina, na halos ay naghihingalo na, ay nagdaos ng Banal na Misa sa kanilang harapan, at sa pagtatapos nito ay biglang nalugmok sa harapan ng lahat. Nang sumunod na araw, ika-23 ng Septyembre 1968, makaraang tumanggap ng Huling mga Sakramento, si San Pio ay namatay sa kabanalan sa kanyang selda sa kumbento ng San Giovanni Rotondo, inuusal ang mga pangalan ni Hesus at ni Maria, at nawala sa kanyang katawan ang mga nakikitang tanda ng stigma.
Si Papa San Gregoryo XVII ang Napakadakila, de Glória Olívæ, sa kanyang Ikasampung Pontipikal na Dokumento na may petsang ika-12 ng Septyembre 1978, ay Solemneng Idineklarang Banal at Kinanonisa si San Pio ng Petrelcina. Ang Pinakamataas na Palmaryanong Papa, sa nabanggit na Dokumento, kasama ng iba pa, ay ginawa ang sumusunod na mga pahayag: “Kami, bilang Unibersal na Doktor ng Simbahan, sa pamamagitan ng kasalukuyang Pontiikal na Dokumento, ngayon ay nagdudulot ng ilang detalye sa buhay at mga gawa ng Italyanong Kaputsinang pari, Padre Pio ng Pietrelcina. Ipinagbibigay-alam namin ang pangunahing mga layunin na nagbunsod sa Amin sa banal na layuning ito, na: Ang isa tunay na Simbahan na ipinundar ng Ating Panginoong Hesukristo sa ibabaw ng solidong bato ni Pedro, na tinatawag sa katotohanan ang Isa, Banal, Katoliko at Apostolikong Simbahan ay nag-uugat sa Banal na Apostolikong Pamunuan sa El Palmar de Troya, isang pook na malapit na may kaugnayan sa Kapita-pitagang Padre Pio. Kami, bilang Panlahat na Ama ng buong Simbahan, at ginagabayan ng Espiritu Santo, ay naniniwala, nagpapahayag at kinikilala ang dakilang mga katangian ng mabunying Kaputsinang Pari ay Aming ipinakikilala sa araw na ito bilang huwaran para sa mga mananampalataya. Alam Namin ang kabayanihan, kahanga-hanga at magandang buhay, ay napapalamutian ng maliwanag na korona ng kabanalan, nitong dakilang Kaputsina. Inihahayag Namin na si Padre Pio ay nabuhay sa masidhi at dakilang pagiging martir sa mahigit limampung taon. Si Padre Pio ay natanggap ang stigmata ng Pasyon ng Ating Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ng mga iyon ay nakiisa siya sa Banal na Pasyon ni Kristo na may dakilang pagpapalagayang-loob at lalim. Inihahayag Namin na si Padre Pio ay namuhay ng buhay na lubos na pagpapaubaya sa Diyos at sa pagsilbi sa mga kaluluwa. Siya ay nabuhay nang ulirang ispiritwal na pamumuhay. Ipinaubaya niya nang lubos ang kanyang sarili sa pagdarasal at pagpepenitensya, at patuloy na paggawa ng tunay na pagmamahal. Inihahayag Namin na si Padre Pio ay dumanas ng patuloy na persekusyon, hindi nauunawaan, matinding mga sakit ng kaluluwa at ng laman. Tiniis niya ang lahat ng kanyang pagdurusa nang may kahanga-hangang walang pag-iimbot para sa pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang Simbahan. Inihahayag Namin na ang buhay ni Padre Pio ay iyong para sa isang tunay na martir. Alam naming ang Banal na Pamunuan ay kinondena siya nang hindi makatarungan nang limang ulit, na lalo pang nagpaigting ng kanyang pagiging martir. Sa parehong paraan siya ay nagdusa nang labis nang ang grupo ng mga klerigo, na kinabibilangan ng mga kardinal, mga obispo, ang Padre Heneral ng Orden at nakatataas na mga superior, ay nakagawa ng sakrilihiyo sa paglabag sa banal na selyo ng Kumpisal, sa pamamagitan ng sekretong paglagay ng mga mikropono sa kompesyunaryo. Walang duda ito ay isang satanikong pakana upang pabagsakin si Padre Pio. Nakalulungkot, ang Ating Mapitagang Hinalinhan, Papa Juan XXIII, na pinayuhan ng kasumpa-sumpang grupong iyon, ay naging tagausig din kay Padre Pio. Ito ay isang kasong hindi pa naririnig sa kasaysayan ng Simbahan. Sa kabila ng lahat ng ito, si Padre Pio ay nanatiling masigasig, at inialay ang lahat kaisa ng Pasyon ng Ating Panginoong Hesukristo at mga Pighati ng Pinakabanal na Birheng Maria. Inihahayag Namin na si Padre Pio ay ginugol ang kanyang buhay sa paggawa ng mabuti, sa pagsunod sa Banal na Panginoon. Ipinahahayag din Namin, sa pamamagitan ng impormasyon, na si Padre Pio ay pinaboran ng Diyos ng hindi mabilang na mga ispiritwal na kapangyarihan, mga bisyon, stigmata, mga paglutang at iba pang mistikal na mga misteryo. Si Padre Pio ay nag-iwan ng malaking ‘constellation’ o malawak na parang walang limitasyon sa dami ng mga ispiritwal na mga anak sa buong mundo. Ang ispiritwal na mga anak ni Padre Pio ay laging nakikita sa kanya ang pagiging huwaran ng kapuri-puring buhay ng isang Kristiyano. Pinaaalalahanan namin ang lahat ng mananampalataya na ang Ating Mapitagang Hinalinhan, Papa Pablo VI, ay isinaayos ang hindi maliilimutang ispiritwal na alaala ng kapuri-puring buhay ni Padre Pio.
Inihahayag Namin na itong kapuri-puring buhay ni Padre Pio ay kinoronahan ng hindi mabilang na mga himala na naganap sa pamamagitan niya, kahit na noong siya ay nabubuhay pa.” Si San Pio ng Pietrelcina ay isang tanyag na tao sa mga Aparisyon sa El Palmar de Troya, Sevilla, Espanya. Ang kanyang mga aparisyon sa mga seer ng Sagradong Lugar na ito ay napakadalas. May mga pagkakataong si Padre Pio ay nagpapakita sa El Palmar araw-araw, at kung ilang ulit sa isang araw. Dagdag pa, ang kanyang presensya sa El Palmar ay nararamdaman ng maraming mga perigrino sa pamamagitan ng ilang kahanga-hangang mga palatandaan, tulad ng mga pabango. Si Padre pio ay nakita sa El Palmar de Troya sa unang pagkakataon habang siya ay nabubuhay pa, hindi pa natatagalang magsimula ang mga aparisyon doon. Ang pagmamahal ng Santong may stigmata para sa El Palmar de Troya ay hindi nakapagtataka, dahil siya mismo ay nagpropesiya na ang Pinakabanal na Birhen ay magpapakita sa isang maliit na bayan na matatagpuan sa pagitan ng dalawang lungsod ng Sevilla at Cadiz, sa Espanya. Sa isa sa kanyang mga aparisyon sa El Palmar de Troya, ay itinuro ni Padre Pio ang pagdasal ng Banal na Rosaryo Penitensyal. Kinausap ni Padre Pio ang mga seer ng El Palmar de Troya at, sa pamamagtian nila, ay ibinigay ang kanyang mga basbas, mga payo, mga pamamatnubay, mga salita ng pagpapalakas ng loob, mga paninisi, pagpapahalaga at iba pa, sa maraming mga perigrinong bumibisita sa Sagradong Lugar na ito.
Idineklarang Banal at Kinanonisa ni Papa San Gregoryo XVII ang Napakadakila noong ika-12 ng Septyembre 1978. Idineklarang Doktor ng Simbahan ng parehong Papa noong ika-6 ng Nobyembre 1989.