Muli nagpapasalamat kami sa Diyos at sa Banal na Birheng Maria para sa patuloy na tagumpay ng aming Web Page. Mahigit isandaan at animnapung mga bansa ang nakadiskubre sa yaman ng Palmaryano Katolikong Simbahan sa pamamagitan ng Web Page na ito. Ang Langit ay umiiral at nananatili, at sa Langit si Hesus ay naghahari. Si Hesukristo ay umakyat sa Langit sa birtud ng Kanyang Maluwalhating Katawan, at sa Kanyang tabi ay ang Pinakabanal na Birheng Maria, na iniakyat sa Langit, at Kinoronahang Reyna ng lahat ng Nilalang ng Pinakabanal na Trinidad, Ama, Anak at Espiritu Santo.
Sa pagkonsiderang si Hesukristo at ang Pinakabanal na Birhen ay mga Monarka sa Langit na gumugubyerno sa buong Sansinukob, natural lamang na isipin na masigasig Nilang hangad na ang mga tao ay magkaroon ng isang gabay para tumulong sa kanila para iligtas ang kanilang kaluluwa at isang araw ay makakuha ng grasya para magalak nang walang hanggan sa Sariling Bayan sa Kalangitan. Iyan ang dahilan para sa Web Page na ito, para tulungan ang mga kaluluwang maligtas ang kanilang sarili. Dahil sa laganap na korupsiyon ng tao sa materyalistik na mundong ito, ang Ina ng Diyos ay ginagamit ang paraang ito ng komunikasyon upang ipalaganap ang mga Mensahe buhat sa Langit na ibinigay sa El Palmar de Troya sa lahat ng tao, at turuan sila ng tunay na doktrina sa lahat nitong ganda at katotohanan.
Marami ang nahihirapang maunawaan kung bakit ang Palmaryanong Simbahan ay nagbukas ng kanyang Web Page ngayon at hindi sa nakaraan. Ang katotohanan ay may sandali para sa lahat ng bagay. Ang Diyos sa Kanyang walang hanggang Karunungan ay ninais ito para sa ngayon, para magbuhos ng saganang mga grasya sa sangkatauhan. Ngayon ang sandali para makakuha ng benepisyo mula sa pagbuhos ng mga biyaya mula sa Langit para malaman ang Tunay na Simbahan ni Kristo. Sa loob ng apatnapung mga taon ang Tunay na Simbahan at ang Tunay na Papa ay nakatago sa sangkatauhan. Ang Simbahan ay nasa disyerto ng El Palmar de Troya, sa isang hindi kilalang nayon, isang maliit na lugar na walang halaga. Ang Birheng Maria ay nagbibigay ng mga order para magtayo ng isang Katedral doon sa ibabaw ng isang burol, na noon ay binigyan ng pangalang ‘Bundok ng Kristong Hari’. Ang Katedral ay itinayo sa pamamagitan ng malaking mga pagsisikap at mga sakripisyo.
Sa Katedral na ito sa ibabaw ng Bundok ng Kristong Hari, si Papa Pedro III ay nangunguna sa Banal na Pagsamba, nagbibigay ng malaking kaluwalhatian sa Diyos, kasama ang mga Prayle at mga Madre, at ang malaking grupo ng matapat na mga deboto. Ang Ina ng Diyos, ang Ina ng Banal na Simbahan ni Kristo, ngayon ay ipinapakita sa sangkatauhan ang Katolikong Simbahan binago at pinaganda, para ang tao ay mapamahal sa kanya at yakapin ang tunay na Pananampalataya. Ito ang sandali para ilagay ang ilaw sa kandelyabrum, ito ang sandali para sa lahat ng taong may mabuting kalooban para may kababaang loob na iyuko ang kanilang mga ulo at kilalanin ang Bikaryo ni Kristo sa mundo. Sa maraming mga taon, ang mga pangungutya sa Palmaryanong Simbahan ay napakasama, subali’t ang Simbahan ay hindi na nakatago, ang tunay na Simbahan ni Kristo ay ipinapakita ang kanyang sarili sa sangkatauhan, para tanggapin o tanggihan nila. Ang panahon ng kalituhan ay dumating na. Malaking mga bilang ng tao ay naniwala sa mga kasinungalingang ikinalat sa media at social networks tungkol sa Palmaryanong Simbahan, nguni’t ngayon ay nakikita na ang katotohanan, at namamangha sa ganda at kabanalang nakikita nila sa Palmaryanong Banal na Pagsamba, at sa kahanga-hangang doktrinang mayroon sa Web Page.
Hindi kami umaasang marami ang darating para lumuhod sa paanan ng Bikaryo ni Kristo sa El Palmar de Troya, nguni’t kami ay umaasa ng ilan: iyong mga pusong nais tinagin ng Banal na Birhen, iyong may mas mabuting mga disposisyon para maging kasapi ng Kanyang Simbahan na ang Palmaryanong Simbahan; kahi’t na sila ay kaunti lamang, dahil ang kaunting mga taong iyon ay ang mga hinahanap ng Banal na Birhen para sa lalo pang kaluwalhatian ng Simbahan ni Kristo. Ang Diyos ay hindi nangangailangan ng milyones para magligtas ng mga kaluluwa. Ang kaunting napakadebotong mga kaluluwa ang kinakailangan Niya. Ang isang banal na kaluluwa ay sapat na para sa milyones.
Ang bilang ng mga bumisita sa aming Web Page ay patuloy na tumataas. Ang 20 pinakaimportanteng mga bansa ay ang sumusunod: 1, Espanya; 2, U.S.A.; 3, Brazil; 4, Alemanya; 5,United Kingdom; 6, Pransya; 7, Ireland; 8, Canada; 9, Italya; 10, Mehico; 11, Poland; 12, Argentina; 13, Austria; 14, Colombia; 15, Switzerland; 16, Pilipinas; 17, Peru; 18, Australia; 19, Portugal; at 20, Chile.
Kami ay nasisiyahang makita na ang Poland ay nasa panglabing-isang lugar. Ang isa sa mga dahilan sa pagtaas na ito sa listahan ng mga bumisita sa aming Web Page ay ang impormasyong inilathala sa Polish.
Ang Palmaryanong Simbahan ay may mga Misyonerong naglilingkod sa mga mananampalataya sa ilang napakahirap na mga bansa, tulad ng Kenya, Nigeria, Pilipinas, at iba pa. Labis na masisiyahan ng Diyos at ang Kanyang Banal na Ina kung ang mga bumisita ay magpakita ng kanilang pagiging bukas-palad sa pamamagitan ng pagbigay ng mga limos para matulungan ang Palmaryanong mga misyon sa mga bansang iyon.