Mga Mensahe buhat sa Langit na ibinigay kay Clemente Domínguez y Gómez,
ngayon Papa San Gregoryo XVII,
ang Napakadakila ni San Jose
Ika-10 ng Disyembre 1969
(Sa labas ng propyedad ng mga Aparisyon sa El Palmar de Troya, Utrera, Sevilla, Espanya. Ang lagusan papasok sa propyedad ng mga Aparisyon, na tinatawag na ‘La Alcaparrosa’, ay isinara ayon sa utos ng mga awtoridad sibil. Ang seer (pinagpapakitaan) na si Clemente Dominguez y Gomez, kasama si Manuel Alonso Corral at iba pang mga tagasunod sa mga Aparisyon, ay nagdarasal sa labas ng propyedad malapit sa lagusan. Ang seer ay pumasok sa ekstasi o lubos na kaligayahan sa pagpapakita ni Patriarka San Jose sa Sagradong Lugar ng Lentisko, na nasa loob ng propyedad. Si San Jose buhat sa Lentisko ay tumungo sa bakod malapit sa kalsada, sa labas ng propyedad. Si Clemente Dominguez ay nagkaroon ng bisyon ukol sa kanyang pagiging Pari sa darating na panahon; dahil, nakasuot siya ng damit ng pari, siya ay naghanda upang magdaos ng Misa, na kung saan ay inusal niya ang bahagi nito, tulad ng sinabi ni San Jose sa kanya. Ang seer, habang nasa ekstasi, ay nagbigay ng basbas. Si San Jose ay nagbasbas din sa lahat.
Ika-19 ng Marso 1970
(Sagradong Lugar ng Lentisko sa El Palmar de Troya. Si San Jose ay nagpakita kay Clemente Dominguez at ibinigay sa kanya ang sumusunod na Mensahe:)
Si San Jose kasama ang Nino Jesus
“Aking mga anak: Dumating ako bilang sugo ni Hesus at ni Maria, at bilang Ama ng Simbahan. Anak, sulatan mo ang aking mga seminarians: Hayaan silang ikonsagra ang kanilang mga sarili nang buo sa Diyos, nang walang ano pa mang sagabal, higit sa lahat ang buhay na walang asawa o kabinian (celibacy), ang daan tungo sa kabanalan. Hayaan silang maging matapat sa tradisyon, kung saan napakaraming mga martir ang nagbigay ng kanilang mga buhay. Hayaan silang manatiling matapat na mga deboto ng Aking Birhinal na Esposa ang Imakuladang si Maria. Hayaan silang ikonsagra ang kanilang mga sarili sa Kanya nang buong kadalisayan at sila ay magiging dakilang mga Pari sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo nang karapat-dapat. Si Hesus at si Maria ay nagdurusa nang labis dahil sa mga seminarians na hindi ikinokonsagra ang kanilang mga sarili nang buong puso. Paano sila makaaasa ng maraming mga bunga kung hindi nila ibinibigay ang kanilang mga sarili nang buong-buo? Ako bilang Ama ng Simbahan, tinatawagan ko ang aking mga anak na huwag kalimutan ang Unibersal na Pamamagitan ng Ina ng Diyos, ang Aking Kapita-pitagang Esposa.
Tinatanong ko ang aking mga anak, ang mga Pari, na alalahanin ang mga sinumpaan nilang pangako na gawin nila ito. Labis akong nasasaktan sa mga bagong pari na pumapanig na bigyang-wakas ang Napakasagradong Buhay na Walang Asawa. Nais ko ng mabining mga Pari, na hayagang ipinagkakatiwala ang kanilang mga sarili kay Hesus at kay Maria.
Hinihingi ko sa aking mga anak, ang mga mananampalataya, na magdasal nang walang humpay kay Maria para ang Simbahan ay magkaroon ng maraming banal na mga Pari upang iligtas ang mundo. Nasusuka ako sa mga mananampalataya na inuubos ang kanilang mga oras sa pagpuna sa mga Ministro ng Panginoon, subali’t hindi mag-abalang dagdagan ang kanilang mga panalangin sa Diyos magmakaawa para sa kanila, na kanilang mga tagapagligtas. Binabasbasan ko kayo.”
Ika-25 ng Oktobre 1970
(Sagradong Lugar ng Lentisko sa El Palmar de Troya. Mga Aparisyon at mga Mensahe kay Clemente Domingez:)
San Jose
“Tayong lahat ay nakikiisa sa pagkahari ni Kristo. Ang Bundok ni Kristong Hari ay nandito; Lagi ninyo itong ipagsigawan: Ang El Palmar ay ang Bundok ni Kristong Hari. Dito nga si Hesus ay naghahari; sa pamamagitan ng inyong mga panalangin kayo ay nakaaambag upang si Hesus ay maghari, at si Maria, ang aking matamis na Esposa at ang Birhinal na Ina ni Hesus, ay maghari.”
Ika-1 ng Abril 1973
(Sagradong Lugar ng Lentisko sa El Palmar de Troya. Ang Banal na Sakripisyo ng Misa ay idinaos ng Pilipinong Pari; siya ay dumating sa Sevilla noong Ika-31 ng Marso 1973, bilang sagot sa panawagan buhat sa Pinakabanal na Birheng Maria para sa Semana Santa sa El Palmar de Troya. Pagkatapos ng Banal na Misa, ang Maluwalhating Patriarka San Jose ay nagpakita kay Clemente Dominguez at ibingay sa kanya ang sumusunod na Mensahe:)
Maluwalhating Patriarka San Jose
(Una ay pinatungkulan ang Pari, ay nagwika siya:) “Aking anak, Ako, si Jose, Esposo ni Maria, ay nagpapasalamat saiyo sa pagbisita mo sa Sagradong Lugar na ito, at nagpapasalamat din Ako para sa dakilang bagay na ginawa mo upang dakilain Ako para sa ikabubuti ng buong Simbahan. Ako bilang Ama ng Simbahan, ako ay nasa iyo sa lahat ng sandali. Mahal Kong anak: salamat sa Banal na Sakripisyo ng Misang ito na iyong inialay sa Kapita-pitagang Trinidad, puno ng pagluwalhati, karangalan at kaluwalhatian. Ito ay ikinalugod ng Ama sa Langit. Binabasbasan kita at binasbasbasan ko rin ang lahat.”
(At saka, pinatungkulan din ang lahat ng naroroon, inutusan silang lumuhod upang tanggapin ang kanyang basbas, ibinigay ang Mensaheng ito:)
“… nang may kababaang-loob at pasasalamat sa mga handog galing sa langit, pagtanggap sa kadakilaan ng Diyos at kawalang-halaga ng tao. Nakalulungkot, na sa mga araw na ito, na napakaraming pagbabago sa Simbahan, maraming mga mananampalataya ay hindi lumuluhod sa pagtanggap ng basbas ng Pari, nakakalimutan nila na ang Pari ay nagbabasbas sa Ngalan ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo, na ang ibig sabihin ay, sa Ngalan ng Diyos. Nakahihiya na ang lahat ng mga bagay na ito ay nakakalimutan na. Kung kaya, sa lugar na ito, ang Langit ay ipinapaalala ang mga turo ng Inang Simbahan, na ngayon ay labis na minamaliit, labis na niluray at iniba. Subali’t ang Katotohanan kailan man ay hindi nagbabago. Ang tao ang nagbabago. Lahat kayo, buhat nang ipanganak, ay natanggap ninyo ang turo sa Katotohanan.” (Pinayuhan ni San Jose ang mga mananampalataya na alalahanin ang dati nang mga turo ng Simbahan, at bumalik sa Banal na Tradisyon. Siya ay patuloy na nagwika:) “Paanong ang mga iyon ay hindi na balido? O maliit na mga anak! Si Hesus at si Maria ay labis na nalulungkot, dahil sa mga panahong ito ay hindi na ibinibigay ang nararapat na atensyon sa mga turo ng Banal na Tradisyon, na gumawa ng napakaraming mga kabutihan para sa Simbahan, at sa mga turong iyon ay naghubog ng napakaraming mga Santo. Aking maliliit na mga anak: Huwag kayong lumihis sa matuwid na landas. Patuloy kayong maging matatag sa mga turong inyong natanggap mula sa Tradisyon at lumayo kayo sa progresibismo at kaguluhan. Mahal Kong mga anak: kayo, iyong nakabasa ng mga buhay ng mga Santo, matuto kayo sa kanila at lumayo kayo sa huwad na mga doktor, huwad na mga propeta at huwad na mga mistiko, at pangalagaan ang buong Banal na Tradisyon. Sikapin ninyo lahat ang pumunta sa mga lugar na ang magandang doktrina ay buong pinangangalagaan at lumayo kayo sa mga lugar na kung saan ang huwad na doktrina ay itinuturo, maging sa simbahan, o sa silid-aralan o sa mga lugar na tinatawag na lugar ng mga Aparisyon. Lumayo kayo sa lahat ng umaalis sa katotohanan. Ako, bilang Ama ng Simbahan, ay binabasbasan kayo lahat. Iyong mga maaari, lumuhod. Siguruhing pumunta sa solemnidad ng Semana Santa sa Sagradong Lugar na ito at palaganapin ito sa lahat ng dako; higit sa lahat para sa Pista ng Muling Pagkabuhay, mula sa gabi ng Sabado hanggang Linggo, at sa Linggo mismong iyon. Gayunman, kung posible, pumunta rin kayo sa ibang mga araw.”
Ika-1 ng Agosto 1973
(Barcelona. Santwaryo ni San Jose ng Bundok. Mga alas 6:00 ng gabi, ay nagtipon ang maraming tapat na mga deboto ng El Palmar na kasapi sa Grupo ng mga Nananalagin sa kabisera at kalapit na mga bayan. Matapos manalangin ang lahat ng Banal na Rosaryo Penitensyal sa harap ng pinipitagang Imahen ni San Jose, na pinangunahan ni Clemente Dominguez, bandang mga alas 6:45, si Patriarka San Jose ay nagpakita kay Cemente at ibinigay sa kanya ang sumusunod na Mensahe:)
Maluwalhating Patriarka San Jose
“Mahal kong mga anak: Dumating ako bilang Ama ng Simbahan at ninyo lahat. Mahal kong kawan ng Barcelona, Catalonia. Salamat sa inyong pagbisita sa Sagradong Lugar na ito. Ipinapaabot ko sainyo lahat na, sa nais ng Laging-Birheng Maria, ay idineklara Akong Espesyal na Protektor ng Barcelona at ng buong Catalonia, sa pamamagitan ng Kapita-pitagang Trinidad, higit sa lahat para sa mga araw ng malaking kadiliman na darating. Mahal kong mga anak: maaasahan ninyo ang Mabait na Ama ninyong ito bilang Protektor sa lahat ng inyong mga panganib; lalo na sa mga panganib ng mga salot, mga kamatayan, mga epidemya at iba pang mga kastigo. Ako ang magiging espesyal na Protektor sa oras na iyon. Manawagan kayo nang madalas sa akin upang ako ay dumating at tulungan kayo sa lahat ng sandali.
Patuloy, mahal kong mga anak ng Catalonia! Itayong muli ang pagpintuhong nararapat sa Ama ninyong ito; na , sang-ayon sa mga plano ng Diyos, ay patuloy na namamagitan sa Trono ng Imakulada at sa Trono ng Tagapagligtas. May makapangyarihan kayong Protektor. Sinisiguro ko sainyo na ang aking sagisag ay sisikat sa buong Espanya bilang tagapangalaga ng Katoliko, Apostoliko at Romanong Pananampalataya.
Darating ang mga araw na ang infernal na dragon ay manggugulo at mangbibistay sa lahat ng dako, sa lahat ng sandali at lugar. Subali’t bumaling kayo sa Akin bilang inyong tagapagtanggol at si Satanas ay siguradong mawawalan ng lakas. Magdasal kayo higit sa lahat para sa kabinian, kadalisayan. O maliliit kong mga anak: Linisin ninyo ang mundo sa pamamagitan ng inyong mga patotoo. Sa madaling panahon, sa lalong madaling panahon, makikita ako sa kalangitan ng Espanya bilang Tagapangalaga, Protektor, Anghel ng Pananampalataya at Dakilang Mandirigma. Dagdagan ninyo ang inyong mga dasal at mga penitensya. Higit sa lahat dasalin ninyo ang Banal na Rosaryo Penitensyal ng mga Ama Namin nang may debosyon; at iyon ay nasa kapangyarihan ng lahat ng mga Senakulo, pareho sa Catalonia at sa buong Espanya, at sa labas ng hangganan. Tumingin kayo, Tumingin kayo: Si Satanas sa ngayon ay aatakehin ang Rosaryo Penitensyal; at masdan ninyo ang Galit ng Eternal na Ama ay humuhupa na, sapagka’t napakaraming ulit sa isang araw ay binibigkas ninyo: Ama Namin, sumasalangit Ka, sambahin ang Ngalan Mo; Mapasaamin ang kaharian Mo…
Ang sinumang tumawag sa Eternal na Ama nang napakaraming ulit ay hindi mahuhulog sa kalituhan at kamalian. Bakit ngayon ay may kalituhan na sa mga Grupo ng Nananalangin? Dahil hinahadlangan nila ang Rosaryo Penitensyal. At dahil sa hindi pagdasal nito, ay hindi nila matatamo ang mga pangako para doon sa nagdarasal nito, at ang isa sa mga ito ay ang maunawaan ang mga misteryo. O Aking maliliit na mga anak: Lumayo kayo sa mga bagong bagay o karanasan at magpatuloy kayo sa pagdasal ng may penitensyal! Ipinapangako ko nang mataimtim, bilang Ama ng Simbahan at ninyo lahat, na doon sa mga tahanan na dinadasal ang Banal na Rosaryo ng mga Ama Namin araw-araw, madarama nila ang aking kapansin-pansing presensya nang mahigit sa isang pagkakataon, at sila ay poprotektahan ko sa espesyal na paraan. binabasbasan ko kayo lahat, sa mga Grupo ng mga Nananalangin, sa Espanya at sa lahat ng mga bansa.” (Pagkatapos ng Mensahe, si Patriarka San Jose ay patuloy na nagsalita, patungkol kay Clemente Dominguez at sa mga kasama niya sa paglalakbay:)
” Sa kagustuhan ng Aking Kapita-pitagang Esposa, ang iyong misyon ay nagtatapos na dito, sa Sagradong Lugar na ito.. Wala nang iba pang nalalabi saiyo kundi ang magpatuloy tungo sa Italya. Binabasbasan kita bilang ama para sa darating na apostoladong ito. At sa paglalakbay na ito, ay kasama mo rin ako; at huwag kang mag-alala sa upuan dahil magkakasya ako kahit saang lugar.”
Talambuhay ng Pinakabanal na San Jose ng Palmar Koronado, Viceroy ng Carmel
at Unibersal na Co-Patron
Ika-19 ng Marso
Ang Pinakabanal na Jose ay dati nang nakatalaga buhat sa eternidad sa Banal na Isip para sa pinakamataas na dignidad na Birhinal na Ama ni Hesus at Birhinal na Esposo ni Maria, at kung ganoon para maging Pinuno ng Sagrada Pamilya. Ang mga magulang ni San Jose ay sina Jacob at Rachel, parehong galing sa tribu ng Judah at direktang kaapu-apuhan ni Haring David. Noong ika-18 ng Oktobre sa taong 5171, ang Pinakabanal na Kaluluwa ni Kristo kasama ang Banal na Kaluluwa ni Maria ay nagpakita sa kanila pareho, at inihayag sa kanila na sila ay magkakaroon ng anak na lalake na pangangalanan nilang Jose, dahil ang Kataas-taasan ay kokoronahan siya ng dignidad na Ama, Esposo at Hari. Ang paglihi sa Pinakabanal na Jose ay naganap noong ika-20 ng Oktobre sa taong 5171. Sa pamamagitan ng pinakaespesyal na pribilihiyo, siya ay ipinaglihi na may grasya ng hindi ganap na katarungan, sa pamamagitan ng kahit isang saglit ay hindi niya namana ang mortal na kasalanan ni Adan o ang pamamahay ni Satanas na ibig ipakahulugan nito, dahil si San Jose ay ‘Irredeemed’ o hindi na kailangan pang tubusin sa usaping ito. Gayunman, ang Pinakabanal na Jose sa isang parte ay sumailalim sa banal na dekrito ng Redemsyon dahil namana nga niya sa kanyang kaluluwa sa paglihi sa kanya, ang bahid ng orihinal na kasalanan, na ang pagkukulang ng pamamahay ng Banal na Espiritu. Sa usaping ito si San Jose ay kailangang tubusin.
Noong ika-20 ng Enero sa taong 5172, tatlong buwan pagkaraan ng paglihi sa kanya, ang Pinakabanal na Jose ay na’presanctified’ o inalisan ng bahid ng kasalanan sa sinapupunan ng kanyang ina ng Pinakabanal na Kaluluwa ni Kristo sa pamamagitan ng Sakramento ng ‘Triple Benediction’, at ang bahid ng orihinal na kasalanan ay nabura sa kanyang kaluluwa sa pananahan ng Espiritu Santo. Ang Batang Jose, sa sandali ng kanyang ‘presanctification’ o pagkakaalis ng bahid ng kasalanan habang nasa sinapupunan ng kanyang ina, ay gumawa ng pangako sa Diyos ng Perpetwal na Pagiging Birhen, ay nakiisa sa mga Kaluluwa nina Kristo at ni Maria, napuno ng grasya at natamasa ang paggamit ng tamang pangangatuwiran, ipinagkaloob na masusing kaalaman at iba pang pinakamatayog na mga kaloob, tulad ng pagkakita sa Mukha ng Diyos na kanyang nakamtan sa buong buhay niya buhat sa sandali nang siya ay ma ‘presanctify’. Sa kanyang ‘presanctification’ ang Batang Jose ay napuno ng lahat ng mga birtud o magagandang katangian at mga grasya sa antas ng pinakamataas na uri na napakadakila kung kaya, sunod sa Banal na Maria, siya ay nakahihigit sa lahat ng mga Anghel at mga Santo na pinagsama-sama. Ang mga kaloob na ito ay patuloy na dumarami habang ang kanyang pinakaperpektong pagmamahal sa Diyos ay umaalab, kasama sa kanyang mga pagdurusa. Sa kanyang ‘presanctification’, ang aksidental na katawan ni San Jose ay natamo ang lubos na perpeksyon at hindi maipaliwanag na kagandahan na, sunod kay Maria, ay nakahihigit sa lahat ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng grasya ng hindi pagkakasala na natanggap ng Pinakamaluwalhating Patriarka sa sandali ng kanyang ‘Presanctification’, si San Jose kailan man ay hindi nagkasala, kahit mortal o venial, at siya ay walang anumang uri ng imperpeksiyon pareho sa kaluluwa at sa katawan.
Si San Jose ay ipinanganak sa Bethlehem noong ika-20 ng Hulyo sa taong 5172. Siya ay solong anak ng kanyang mga magulang na sina Jacob at Rachel. Sa ikawalong araw ng kanyang kapanganakan, ang kanyang mga magulang ay sumunod sa legal na ritwal ng sirkumsisyon, at binigyan siya ng pangalang Jose. Sa ikaapatnapung araw ng kanyang kapanganakan, sa Templo ng Herusalem, ay naganap ang legal na ritwal na Presentasyon ng Pinakabanal na Batang Jose ng kanyang mga magulang, at ang puripikasyon ng kanyang inang si Rachel. Ginugol ni San Jose ang mas malaking bahagi ng kanyag buhay sa Nazareth. Nang si San Jose ay labingwalong taong gulang, ang kanyang ina ay namatay, at hindi nagtagal pagkaraan, ay ang kanyang ama. Ngayon na isa na siyang ulila, para mabuhay sa boluntaryong karukhaan, ay ipinamigay niya ang kanyang mga ari-arian sa mga mahirap, ang ibang bahagi ng kanyang minana ay ibinigay niya sa Templo ng Herusalem, at pagkaraan ay nagtrabaho siya bilang isang karpintero, tumira doon bilang kasapi ng ‘Carmelite Third Order’; subali’t sa kanyang namana ay pinanatili niya ang bahay niya sa Nazareth. Nang si San Jose ay dumating sa Templo, ang Pinakabanal na Birheng Maria ay doon na nakatira bilang isang Relihiyosang Carmelita sa loob ng anim na taon. Hindi nila nakita ang isa’t-isa hanggang sa araw mismo ng kanilang Kasal. Alam ng Banal na Maria na ang Pinakabanal na Jose ang pinili ng Diyos na Kanyang magiging Esposo, na nakatalaga para sa Kanya mula pa sa eternidad, at na siya man ay may pangako para sa perpetwal na pagiging birhen.
Si San Jose ay alam din na ang Banal na Maria ang pinili ng Diyos para maging Esposa niya, na itinalaga para sa kanya mula pa sa eternidad, na siya man ay may pangako para sa perpetwal na pagiging birhen. Dahil alam nina Maria at Jose, na ang oras ay dumating na para sa Pagkakatawang-tao ng Banal na Salita sa pamamagitan ng aksiyon at grasya ng Espiritu Santo na hindi makapipinsala sa kanilang pagiging birhen, ay buong pusong tinanggap ang kalooban ng Langit, mapagpakumbabang sinunod ang matandang si Simeon nang may hindi maipaliwanag na pagpapa-ubaya ng sarili at pagsasakripisyo ng kanilang sariling mga kaisipan at, gayundin, nang may lubos na kasiguruhan na sila ay mananatiling laging birhen kahit sila ay kasal, dahil iyon ang kanilang kagustuhan. May maalab at magiting na pagbibigay ang Banal na Maria ay tinalikuran ang kanyang maalab na hangaring manatili magpahanggan man sa relihiyosong buhay. Ang kasal ng Pinakabanal na Birheng Maria, labimpitong taong gulang, kay San Jose, dalawampu’t anim na taong gulang, ay naganap sa Templo ng Herusalem noong ika-23 ng Enero sa taong 5199, sa harap ng Levitikong Punong Pari na si Simeon. Makaraan ang ilang araw ang bagong kasal ay naglakbay patungo sa Nazareth.
Noong ika-25 ng Marso sa taong 5199, ang Pagkakatawang-tao ng Banal na Salita ay naganap sa Pinakamalinis na Sinapupunan ng Banal na Maria sa aksiyon at grasya ng Espiritu Santo. Noong ika-30 ng Marso sa taong 5199, ay sinamahan ng Pinakabanal na Jose ang Pinakabanal na Birheng Maria sa ginawa Niyang pagdalaw sa Kanyang pinsang si Santa Isabel. Ilang araw makaraang isilang si San Juan Bautista nong ika-24 ng Hunyo ng taon ding iyon, ang Pinakabanal na Birheng Maria at si San Jose ay bumalik sa Nazareth.
Nang mga panahong iyon, si Emperor Augustus Caesar ay nag-utos na gawin ang isang sensus sa lahat ng nasasakupan ng Romanong Imperyo. At iyong mga nasa lupain ng Israel ay pumunta para magpatala, ang bawa’t isa sa bayan ng kanyang mga ninuno. Si San Jose, na noon, ay nabibilang sa angkan ni David, ay pumunta buhat sa Nazareth kasama ang Banal na Maria sa lungsod ng Bethlehem, malapit sa Herusalem. Sa Bethlehem, sa hatinggabi simula ng Linggo ika-25 ng Disyembre sa taong 5199 ng Paglalang, ang Banal na Maria ay nagsilang sa Kanyang Anak na si Hesus sa isang kuweba, dahil wala silang makitang silid sa kahit saang bahay. Sa ikawalong araw ng Kanyang kapanganakan ay tinuli ni San Jose ang kanyang Banal na Anak sa kuweba ng Bethlehem at binigyan ng Pangalang Hesus. Noong ikaapatnapung araw ng Kapanganakan ng Batang Hesus, ang Sagrada Pamilya ay tumungo sa Bethlehem sa Templo ng Herusalem, para isagawa ang tungkulin ng paglilinis o puripikasyon sa Ina at ang presentasyon ng Batang Hesus sa Diyos, ayon sa Batas na ipinatutupad ni Moises.
Dahil sa persekusyon ng walang diyos na si Haring Herodes ang Dakila, si San Jose, ay binigyan ng babala sa kanyang pagtulog ni Arkanghel San Gabriel, noong ika-17 ng Pebrero ng taong 1, ay umalis patungo sa Ehipto kasama ang Batang Hesus at ang Kanyang Ina, at tumira sila doon ng mahigit pitong taon. Makaraang mamatay si Haring Herodes, noong ika-30 ng Marso sa taong 8 si San Jose, na binigyang babala sa pagtulog ni Arkanghel San Gabriel, kasama ang Batang Hesus at ang Kanyang Ina, ay umalis patungo sa lupain ng Israel, at tumira sa bayan ng Galilea. Sa Nazareth, si Hesus ay tumulong sa Kanyang Amang si San Jose sa kanyang pagiging panday. Noong ika-19 ng Marso sa taong 5228 sa lungsod ng Herusalem, ang Pinakabanal na Jose, sa edad na limampu’t limang taon, ay namatay sa pagmamahal sa mga bisig ni Hesus at ni Maria. At inilibing sa puntod sa ‘Valley of Josaphat’ na kung saan ang natutulog na Katawan ng Banal na Maria ay ihihimlay makaraan ang ilang taon. Ang kamatayan ni San Jose ay nauukol lamang sa aksidental na katawan, ibig sabihin, klinikal na kamatayan, dahil siya ay hindi kasama sa partikular na paghukom. Ang kanyang esensyal na katawan, dahil esensyal na maluwalhati, ay hindi maaaring mamatay. Kung kaya, makaraang mamatay ang aksidental na katawan ni San Jose, ang kanyang esensyal na katawan ay natulog lamang nang mababaw; at kung gayon, kasama ng kanyang Kaluluwa, nanatiling tulog at hindi alam ang pagkakita sa Diyos ng Kaluluwa at iba pang kaligayahan sa Limbo ng Makatarungan hanggang sa panahon ng pagkamatay ni Kristo, kalahok na buhat noon at magpakailanpaman sa makalangit na kaligayahan ng kaluluwa. Isang saglit makaraang ang Ating Panginoong Hesukristo ay muling nabuhay, ang katawang aksidental ni San Jose ay bumangon nang sumanib dito ang kaluluwa at ang esensyal na katawan, nakiisa sa makalangit na kaligayahan ng kaluluwa hanggang sa Pag-akyat sa Langit ng Panginoon; dahil sa araw na iyon, ika-5 ng Mayo sa taong 34 ng Kristiyanidad, kasunod ng Mababaw na Pagtulog, si San Jose ay iniakyat sa Langit sa kaluluwa at mga katawan. Ang aksidental na katawan ni San Jose ay nanatiling tulog sa Langit na hindi kalahok sa makalangit na kaligayahan, hanggang sa sandali na ang Pinakabanal na Birheng Maria ay umakyat sa Langit sa Katawan at Kaluluwa noong ika-15 ng Agosto sa taong 57 ng Kristiyanidad.