Ang Mga Aparisyon ng Ating Birhen sa La Salette
Ang Birhen ng La Salette ay nagpakita sa dalawang bata noong 1846 malapit sa bayan ng La Salette-Fallavaux, sa Isére, Pransya. Dalawang batang mga pastol, may pangalang Santa Maria Melanie ng Krus at ng La Salette (ipinanganak na Melanie Calvat) 15 taong gulang, at San Maximin Giraud, 11 taong gulang, ay isinalarawan kung paano noong Sabado, ika-19 ng Setyembre 1846, mag-aalas tres ng hapon, habang binabantayan ang mga baka ng kanilang mga amo sa isang bundok malapit sa bayan ng alpine ng La Salette, sa loob ng nagniningning na liwanag na mas maliwanag pa sa araw, ay nakita nila ang isang ‘Magandang Birhen’ na lumitaw, umiiyak, na tinawag sila.
Una nakaupo at umiiyak na ang mga kamay ay nasa ulo, ang ‘Magandang Birhen’ ay tumayo at nagsalita nang may kahabaan. Ipinaliwanag Niya sa kanila na Siya ay umiiyak dahil sa walang kabanalang namamayani sa lipunan, at hinimok silang itakwil ang dalawang napakalaking mga kasalanan na nagiging pangkaraniwan: ang kalapastangan sa Diyos at ang hindi pagtupad sa Linggo bilang araw ng pahinga at para dumalo sa Misa. Naghula Siya ng nakatatakot na mga parusang darating kung ang mga tao ay hindi magbabago. Sa huli ay hiningi Niya sa mga bata na magdasal, gumawa ng penitensiya at ipalaganap ang Kanyang mensahe.
Ang iba pang mga bagay, na sinabi ng Birhen sa mga batang pastol na ang kamay ng Kanyang Anak ay napakalakas at mabigat at kung kaya hindi Niya na kayang pigilan pa ito, hangga’t ang mga tao ay magsagawa ng penitensiya at sundin ang mga Batas ng Diyos. Kung hindi, sila ay magkakaroon ng napakalaking paghihirap. Ang mga tao ay hindi na sinusunod ang Araw ng Panginoon, subali’t patuloy na nagtatrabaho nang walang humpay kung Linggo. Tanging kaunting matatandang mga babae ang pumupunta sa Misa sa tag-araw. At sa taglamig, kapag sila ay walang magawa, sila ay pumupunta sa Simbahan para pagtawanan ang relihiyon. Ang panahon ng Kuwaresma ay binabalewala. Ang mga lalake ay hindi makapagmura nang hindi ginagamit ang Ngalan ng Diyos nang walang kapararakan. Ang hindi pagtalima at pagbabalewala sa mga Kautusan ng Diyos ay ang mga bagay na mas nakapagpapabigat sa mga kamay ng Kanyang Anak.
Siya ay nagpatuloy sa pananalita, at humula ng isang nakatatakot na taggutom at mga kasalatan. Sinabi Niyang ang ani ng patatas nang nakaraang taon ay nawala dahil sa mga kadahilanang iyon. Kapag natagpuan ng mga tao na ang kanilang mga patatas ay nangabubulok, sila ay nagmumura at lalo pang nilalaspatangan ang Diyos. Sinabihan Niya sila na ang ani ay muling mawawala sa taong ito at ang mga mais at trigo ay magiging mga alikabok kapag ang mga ito ay hawakan, ang mga mani ay sasama, at ang mga ubas ay mangabubulok.
Ang lahat ng liwanag sa loob na kung saan Siya ay nagpakita at bumalot nang lubos sa tatlo, ay nanggaling sa isang malaking Krusipiho na suot Niya sa dibdib, sa tabi nito ay isang martilyo at mga sipit. Sa Kanyang mga balikat ay suot Niya ang isang kadena at sa mga gilid, ay mga rosas. Ang Kanyang ulo, baywang at mga paa ay napapalibutan din ng mga rosas; puting damit na may alampay o balabal at gintong tapis. Sa huli, ang ‘Magandang Birhen’ ay umangat sa may dalisdis at nawala sa liwanag.
Si Santa Maria Melanie ay nagkuwento sa amin kung paano ang Aparisyon ay naganap: “Sinabihan ako ni Maximin na turuan ko siya ng isang laro. Matagal nang lumipas ang umaga; sinabihan ko siya na dapat kumuha kami ng mga bulaklak para gumawa ng isang ‘Paraiso’. Pareho kaming nagsimulang gumawa. Agad kaming nagkaroon ng maraming mga bulaklak na iba’t-ibang mga kulay. Tumunog ang ‘Angelus’ sa barangay, dahil ang kalangitan ay maaliwalas at walang ulap. Makaraang masabi namin sa Diyos ang alam namin, sinabihan ko si Maximin na dapat ay dalhin namin ang aming mga baka sa isang maliit na kalupaan malapit sa isang kanal kung saan ay may mga bato sa paggawa ng ‘Paraiso’. Agad naming dinala ang aming mga baka sa lugar at agad kami ay gumawa ng aming malit na hapunan. At nagsimula kaming kumuha ng mga bato at sa paggawa ng aming maliit na bahay na may ibabang bahagi na kunyari ay aming mga kuwarto at saka isa pang palapag sa itaas, na para sa amin ay ang ‘Paraiso’. Ang palapag na ito ay napapalamutian ng iba’t-ibang kulay ng mga bulaklak na may mga kuwintas na bulaklak na nakabitin sa mga tangkay ng mga bulaklak. Ang ‘Paraiso’ ay natatakpan ng isang malaking bato na binudburan namin ng mga bulaklak, at ang mga kuwintas ng mga bulaklak ay nakabitin sa paligid. Ang ‘Paraiso’ ay natapos, pinagmasdan namin ito. Nakaramdam kami ng antok, lumayo ng ilang hakbang at kami ay natulog sa damuhan. Ang Magandang Birhen ay nakaupo sa aming ‘Paraiso’ nang hindi ito nasisira.
Sa pagkagising at hindi namin nakita ang aming mga baka, tinawag ko si Maximin at umakyat sa burol. Nang makitang ang aming mga baka ay nakahiga nang tahimik, ako ay bumaba mula roon at si Maximin ay umakyat, nang, sa isang iglap ay nakakita ako ng isang magandang liwanag na mas maliwanag pa sa araw, at halos hindi masambit ang mga salitang ito: — “Maximin, sa banda roon, nakikita mo? Ah! Diyos ko!” Sa parehong pagkakataon ay nabitiwan ko ang tungkod na hawak ko. Hindi ko alalm kung anong tuwa ang naramdaman ko ng sandaling iyon, subali’t naramdaman kong parang hinihila, naramdaman ko ang isang napakalaking paggalang na puno ng pagmamahal, at ang aking puso ay parang nais na tumakbo nang mas mabilis kaysa sa akin. Tinutukan ko ng tingin ang hindi gumagalaw na Liwanag na ito at, para bang ito ay bumukas, may nakita akong isa pang Liwanag na mas maliwanag, gumagalaw at, sa Liwanag na ito, isang Magandang Birhen ang nakaupo sa ibabaw ng aming ‘Paraiso’ na ang ulo ay nasa mga kamay. Ang Magandang Birheng ito ay tumayo, magaang isinalansang ang kanyang mga bisig at, nakatingin sa amin, nagsabi sa amin:
“Halikayo sa malapit, aking mga anak, huwag kayong matakot, narito Ako para ihayag sainyo ang malaking balita.”
Ang matamis at mabait na mga pananalitang ito ay ginawang lumipad ako patungo sa Kanya, at ang aking puso ay halos nais na yakapin Siya magpahanggan pa man. Nang makalapit nang napakalapit sa Magandang Birhen, nakaharap sa Kanya, sa may kanan, ay nagsimula Siyang magsalita, at ang mga luha ay bumagtas pababa mula sa Kanyang magandang mga mata.
“Kung ang Aking mga tao ay ayaw magpasailalim Ako ay mapipilitang hayaan ang mga Kamay ng Aking Anak. Ito ay napakamatimbang, napakabigat, na hindi Ko na kaya pa itong pigilin pa. Gaano na katagal ang paghihirap Ko para sa inyo! Kung nais Kong ang Aking Anak ay hindi kayo talikuran, magdarasal Ako sa Kanya nang walang humpay. At para sainyo, hindi ninyo pinapansin. Gaano man kayo karami magdasal, o gumawa, hinding-hindi ninyo Ako mababayaran sa mga paghihirap na dinanas Ko para sainyo.
Binigyan Ko kayo ng anim na araw para magtrabaho, inilaan Ko ang pampito para sa Aking Sarili, at hindi nila ito ibinibigay sa Akin. Iyon ang nakapagpapabigat nang labis sa mga bisig ng Aking Anak.
Kapag nawala ang ani, ang kasalanan ay tanging sainyo. Ipinakita Ko iyon sainyo noong nakaraang taon sa mga patatas, at hindi ninyo pinansin; sa halip, nang matagpuan ninyo ang mga iyon na nangabubulok, kayo ay nagmumura at ginamit pa ang Ngalan ng Aking Anak. Ang mga iyon ay patuloy na mangabubulok, at sa Pasko ay wala nang matitira pa.
Kung kayo ay may trigo, huwag ninyo itong itanim. Ang lahat ng inyong itatanim ay kakainin ng mga hayop, at kung anuman ang tumubo ay magiging alikabok sa pagbistay. Isang malaking taggutom ang darating. Bago dumating ang taggutom, ang maliliit na mga bata na bago dumating ng pitong taon ay manginginig, at mamamatay sa mga bisig ng mga humahawak sa kanila, ang karamihan ay magsasagawa ng penitensiya sa pamamagitan ng taggutom. Ang mga mani ay masisira, ang mga ubas ay mangabubulok.”
Dito ang Magandang Birhen, na umakit sa akin, ay sandaling nanatili na parang tahimk, nguni’t nakita ko Siyang marikit na gumagalaw ang Kanyang magiliw na mga labi na parang nagsasalita. Natanggap ni Maximin ang kanyang sekreto nang mga sandaling iyon. Pinatungkulan ako, ang Pinakabanal na Birhen ay kinausap ako, at ibinigay sa akin ang sekreto sa salitang Pranses. Narito ang sekreto, tulad ng pagkakabigay Niya nito sa akin:
“Melanie, kung ano ang sasabihin Ko saiyo ngayon ay hindi habang panahon ay isang sekreto. Maaari mo itong ihayag sa 1858. Ang mga Pari, mga Ministro ng Aking Anak, ang mga Pari, sa pamamagitan ng kanilang masamang pamumuhay, sa kanilang kawalang galang at kawalang kabanalan sa pagdaos ng Banal na mga Misteryo, sa pagmamahal sa pera, sa pagmamahal sa karangalan at kasiyahan, ang mga Paring iyon ay naging tambakan ng basura ng kahalayan. Oo, ang mga Pari ay sumisigaw ng paghihiganti, at ang paghihiganti ay nakabitin sa itaas ng kanilang mga ulo. Malungkot na mga Pari at iyong mga konsagrado sa Diyos, na sa kanilang pagiging taksil at masamang pamumuhay ay muling ipinapako ang Aking Anak! Ang mga kasalanan ng mga taong konsagrado sa Diyos ay sumisigaw sa Langit at nananawagan ng paghihiganti, at tingnan! ang paghihiganti ay nasa kanilang mga pintuan, dahil wala nang magsusumamo pa ng awa at kapatawaran para sa mga tao; wala nang mga mapagbigay na mga kaluluwa, wala na ni isa mang karapat-dapat na mag-alay ng walang bahid na Biktima sa Eternal sa ngalan ng mundo.
Ang Diyos ay kakastigo sa paraang hindi pa nagagawa. Malungkot na mga nakatira sa mundo! Ang Diyos ay magbubulalas ng Kanyang Galit, at wala ni isa mang puwedeng makaiwas nang agad-agad sa napakaraming mga kasamaan. Ang mga lider at mga gabay ng mga Tao ng Diyos, ay nagpabaya na sa panalangin at penitensiya, at ang demonyo ay pinagdilim ang kanilang mga isipan; sila ay naging galang mga bituin na hihilahin pababa ng matandang demonyo sa pamamagitan ng kanyang buntot at magiging dahilan para mamatay. Pahihintulutan ng Diyos ang matandang demonyo na maghasik ng pagkakawatak-watak sa mga namumuno sa anumang uri ng sosyedad at sa bawa’t pamilya; magkakaroon ng pisikal at moral na mga sakit; ang Diyos ay aabandonahin ang mga tao sa kanilang mga sarili at ipadadala ang mga parusa na tatagal ng mahigit sa tatlumpu’t limang taon.
Ang sosyedad ay nasa bingit na ng pinakateribleng mga salot at ng pinakamalaking mga kaganapan, asahan ninyo na pasisiyahan kayo ng pamalong bakal at uminom ng kalis ng Galit ng Diyos…
Ang Italya ay kakastiguhin dahil sa kanyang ambisyon na alisin ang yugo ng Panginoon ng mga Panginoon; at siya rin ay ihahatid sa digmaan, ang dugo ay dadanak sa lahat ng dako; ang mga simbahan ay sasarhan o lalapastanganin; ang mga Pari at mga relihiyoso ay patatalsikin; sila ay papatayin, isang malupit na kamatayan. Marami ang iiwanan ang Pananampalataya at malaki ang magiging bilang ng mga Pari at mga relihiyoso ang tatalikuran ang tunay na relihiyon; kasama sa kanila kahit mga Obispo. Pag-ingatin ang Papa sa mga gumagawa ng himala, dahil dumating na ang panahon na kung saan ang pinakakagulat-gulat na mga kaganapan ay magaganap sa mundo at sa himpapawid…
Si Lucifer kasama ang malaking bilang ng mga demonyo ay pakakawalan mula sa Impiyerno; Unti-unti nilang bubuwagin ang Pananampalataya, pati na ang mga taong konsagrado sa Diyos; bubulagin nila sila sa paraang, puwera na lamang sa pamamagitan ng isang espesyal na grasya, ang mga taong iyon ay aakuin ang ispiritu ng masasamang mga anghel; maraming mga monasteryo at mga kumbento ay lubos na mawawalan ng Pananampalataya at sisira ng maraming mga kaluluwa.
Ang masasamang mga aklat ay kakalat sa mundo at ang mga ispiritu ng kadiliman ay magkakalat ng unibersal na kaluwagan sa lahat ng bagay na may kinalaman sa paglilingkod sa Diyos; sila ay magkakaroon ng malaking kapangyarihan sa kalikasan; magkakaroon ng mga simbahang magsisilbi sa mga ispiritung ito. Ang mga tao ay dadalhin mula sa isang parte tungo sa iba ng masasamang ispiritung ito, at kahit na mga pari, sa hindi pagkilos ng wasto base sa magandang ispiritu ng Ebanghelyo, na ang ispiritu ng kababaang-loob, ng pagmamahal at ng sigasig para sa Kaluwalhatian ng Diyos… Sa lahat ng dako ay magkakaroon ng hindi pangkaraniwang mga kababalaghan, dahil nga sa ang tunay na Pananampalataya ay natakpan na at ang isang huwad na liwanag ang umiilaw sa mundo. Kahabag-habag iyong mga Prinsipe ng Simbahan na ang tanging iniintindi ay ang pagtipon ng kayamanan at higit pang kayamanan, sa pangangalaga sa kanilang kapangyarihan at sa pangingibabaw nang may kayabangan!
Ang Bikaryo ng Aking Anak ay magkakaroon ng napakalaking paghihirap, dahil pansamantala ang Simbahan ay mapapabayaan sa napakalaking mga persekusyon; iyon ay magiging panahon ng kadiliman; ang Simbahan ay dadaan sa isang nakatatakot na krisis.
Ang Banal na Pananampalataya sa Diyos ay nakalimutan, ang bawa’t isa ay nanaising gabayan ang sarili at maging mas superior kaysa sa kanyang mga kasamahan. Ang sibil at pansimbahang kapangyarihan ay aalisin, ang lahat ng kaayusan at hustisya ay yuyurakan; tanging patayan, pagkasuklam, inggit, kasinungalingan at away ang makikita, walang pagmamahal sa bayan o sa pamilya.
Ang Santo Papa ay maghihirap nang lubos. Sasamahan Ko siya hanggang sa huli para tanggapin ang kanyang sakripisyo.
Ang masasama ay gagawa ng maraming pagbanta sa kanyang buhay na kung saan ay hindi siya mapipinsala, nguni’t kahit siya o ang kanyang kahalili… ay hindi makikita ang pagtatagumpay ng Simbahan ng Diyos.
Ang mga pamahalaang sibil ay magkakaroon ng isang layunin lamang, iyon ay ang alisin ang lahat ng relihiyosong prinsipal at gawing mawala ang lahat ng kaisipang pangrelihiyon, para bigyang daan ang materyalismo, atheismo, ispiritismo at lahat ng uri ng bisyo…
Ang mga pagkasuklam ay makikita sa banal na mga lugar; sa mga kumbento, ang mga bulaklak ng Simbahan ay mangabubulok at ang demonyo ay aaktong hari ng mga puso. Hayaang ang mga namumuno ng relihiyosong mga komunidad ay mag-ingat sa mga taong kanilang tatanggapin, dahil ang demonyo ay gagamitin ang lahat ng kanyang kasamaan upang ipasok ang mga taong nabubuhay sa kasalanan sa relihiyosong mga orden, sapagka’t ang kaguluhan at pagmamahal sa karnal na kaligayahan ay lalaganap sa buong Mundo.
Ang Pransya, Italya, Espanya at England ay magkakaroon ng digmaan; ang dugo ay dadanak sa mga kalsada, Pranses laban sa Pranses, Italyano laban sa Italyano; pagkatapos ay magkakaroon ng pangkalahatang digmaan, na magiging terible. Pansamantala ay hindi muna aalalahanin ng Diyos ang Pransya o ang Italya, dahil nga sa ang Ebanghelyo ni Hesukristo ay hindi na alam. Ang masama ay papalawakin ang lahat ng kanilang kasamaan; papatay sila at magpapatayan kahit sa mga tahanan.
Sa unang iglap ng kampay ng Kanyang ispada, ang mga bundok at ang buong mundo ay mangangatal sa takot, dahil nga ang kawalang kaayusan at mga krimen ng tao ay lumalagos sa kaitaasan ng Langit. Ang Paris ay masusunog at ang Marseilles ay lulunukin ng dagat; maraming malaking mga lungsod ay uugain at lululunin ng mga lindol. Maniniwala silang ang lahat ay nawala, tanging mga patayan ang makikita, tanging ang salpukan ng mga sandata at mga paglapastangan sa Diyos ang maririnig. Ang matuwid ay maghihirap nang labis; ang kanilang mga dalangin, kanilang mga penitensiya at kanilang mga luha ay aangat patungo sa Langit, at ang buong Tao ng Diyos ay magsusumamo ng kapatawaran at awa, at magdarasal para sa Aking pamamagitan. Si Hesukristo, sa akto ng Kanyang Hustisya at Awa, ay susuguin ang Kanyang mga Anghel para lipulin ang lahat ng Kanyang mga kaaway. Ang mga nagpapahirap sa Simbahan ni Hesukristo at ang lahat ng taong nabubuhay sa kasalanan ay mamamatay, at ang Mundo ay magiging parang isang disyerto. Ang kapayapaan ay magaganap, at ang Diyos at ang tao ay magkakasundo. Si Hesukristo ay pagsisilbihan, sasambahin at luluwalhatiin; Ang pagmamahalan ay yayabong saan mang dako. Ang bagong mga hari ay magiging mga kanang kamay ng Banal na Simbahan, na magiging malakas, may kababaang loob, banal,aba, masigasig at gumagaya sa mga kabanalan ni Hesukristo. Ang Ebanghelyo ay ituturo sa lahat ng dako, at ang mga tao ay gagawa ng malaking pag-unlad sa Pananampalataya, sapagka’t magkakaroon ng pagkakaisa sa pagitan ng mga manggagawa ni Hesukristo, at ang mga tao ay mamumuhay na may takot sa Diyos.
Ang kapayapaang ito sa pagitan ng mga tao ay hindi magtatagal; ang dalawampu’t limang taon ng masaganang mga ani ay ang magigng dahilan para makalimutan nila na ang kasalanan ng tao ay ang sanhi ng bawa’t kahirapang nagaganap sa Mundo.
Ang prekursor ng Antikristo kasama ang kanyang hukbo mula sa maraming mga bansa ay lalabanan ang tunay na Kristo, tanging Tagapagligtas ng mundo; siya ay magpapadaloy ng maraming dugo at sisikaping burahin ang pagsamba sa Diyos at ituturing ang kanyang sarili bilang diyos mismo.
Ang Mundo ay tatamaan ng lahat ng uri ng peste (maliban sa salot at taggutom, na gagawing pangkalahatan); magkakaroon ng mga digmaan hanggang sa huling digmaan, na itataguyod ng sampung mga hari ng antikristo, na lahat ay may kaparehong layunin, at magiging tanging mga pinuno ng mundo. Bago ito maganap ay magkakaroon ng isang uri ng huwad na kapayapaan sa mundo; Iisipin lamang nila ang kasiyahan; ang masasama ay ipauubaya nila ang kanilang mga sarili sa lahat ng uri ng kasalanan, subali’t ang mga anak ng Banal na Simbahan, ang mga anak ng Pananampalataya, Aking tunay na mga manggagaya, ay lalago sa pagmamahal sa Diyos at sa mga katangiang pinakamamahal sa Akin. Masaya ang mga kaluluwang may kababaang loob na ginagabayan ng Banal na Ispiritu. Makikipaglaban Ako kasama nila hanggang sa pagdating ng kaganapan ng panahon.
Ang kalikasan ay humihingi ng paghihiganti laban sa mga tao at nangangatog sa takot, naghihintay kung ano ang magaganap sa mundong namantsahan ng mga krimen.
Mangatal ka, mundo, mangatal kayong lahat na nagsasabing magsisilbi kay Hesukristo datapwa’t sa loob ay sinasamba ang inyong mga sarili; dahil ang Diyos ay dadalhin kayo sa Kanyang mga kaaway, dahil nga ang mga santuwaryo ay nalubog sa korupsyon; maraming mga kumbento ay hindi na bahay ng Diyos subali’t pastulan para kay Asmodeus at ng kanyang mga lahi.
Sa panahon na ito na ang Antikristo ay ipanganganak ng isang Hebreong madre, isang huwad na birhen na may komunikasyon sa matandang demonyo, ang panginoon ng kalaswaan; ang kanyang ama ay isang Obispo; sa pagkapanganak siya ay susuka ng mga kalapastanganan, may ngipin; sa isang salita, siya ay ang demonyong nagkatawang tao; siya ay sisigaw nang nakatatakot, gagawa ng mga kababalaghan, ang tangi niyang pagkain ay kahalayan. Siya ay magkakaroon ng mga kapatid na lalake na, kahit na hindi mga demonyong nagkatawang tao tulad niya, ay mga anak ng kasamaan; sa edad na labindalawang taon sila ay makikilala sa kanilang matapang na mga tagumpay, hindi magtatagal ang bawa’t isa sa kanila ay magiging pinuno ng mga hukbo sa tulong ng mga hukbo mula sa Impiyerno.
Ang mga panahon ay mag-iiba, ang lupa ay magdudulot lamang ng masamang mga bunga, ang mga nasa kalawakan ay mawawala ang kanilang regular na mga pagkilos, ang buwan ay magpapakita lamang ng mahinang mamula-mulang liwanag; ang tubig at ang apoy ay magbibigay sa globo ng mundo ng nangangatal na pagkilos at nakatatakot na mga pagyanig na lulunukin ang mga bundok, mga lungsod, at iba pa.
Ang Roma ay mawawala ang Pananampalataya at magiging pamunuan ng antikristo.
Ang mga demonyo kasama ang antikristo ay gagawa ng malalaking mga kababalaghan sa mundo at sa himpapawid, at ang mga tao ay mas magiging masama. Ang Diyos ay pangangalagaan ang kanyang matapat na mga tagapagsilbi at para sa mga taong may mabuting kalooban; Ang Ebanghelyo ay ituturo saan mang dako. Ang lahat ng mga tao at ang lahat ng mga bansa ay malalaman ang Katotohanan!
Nananawagan Ako nang kailangang-kailangang panawagan sa Mundo; Tinatawagan Ko ang tunay na mga disipulo ng Buhay na Diyos na naghahari sa Langit; Tinatawagan Ko ang tunay na mga manunulad ni Kristong naging Tao, ang isa at tunay na Tagapagligtas ng tao; Tinatawagan Ko ang Aking mga anak, Aking tunay na mga deboto, iyong mga inialay ang kanilang mga sarili sa Akin para akayin Ko sila sa Aking Banal na Anak, iyong mga, tulad ng kasabihan, dala Ko sa Aking mga bisig; iyong mga namuhay sa pamamagitan ng Aking ispiritu. Sa maikling salita, tinatawagan Ko ang mga Apostoles ng Huling mga Panahon, ang mga matapat na mga disipulo ni Hesukristo na nabuhay sa pagkasuklam sa mundo at sa kanilang mga sarili, sa kaabahan at kababaang loob, sa paghamak at sa katahimikan, sa pagdarasal at sa pagpapakasakit, sa kabinian at sa pakikiisa sa Diyos, sa kahirapan, at hindi kilala sa mundo. Panahon na para sa kanila para sumulong at tanglawan ang mundo. Sulong at ipakita ang inyong mga sarili bilang Aking minamahal na mga anak. Ako ay kasama ninyo at nasa inyo, habang ang inyong Pananampalataya ay ang ilaw na nagbibigay ng liwanag sainyo sa mga araw na ito ng sakuna. Hayaang ang inyong sigasig ay gawin kayong nagugutom para sa kaluwalhatian at karangalan ni Hesuskristo. Patuloy na makipagdigma, mga anak ng Liwanag, kayong kaunti na nakakikita, sapagka’t tingnan ito ang Panahon ng mga Panahon, ang katapusan ng mga katapusan.
Ang Simbahan ay maglalaho, ang mundo ay manghihilakbot. Subali’t tingnan dito sina Henoch at Elias puno ng ispiritu ng Diyos, nangangaral na may kapangyarihan ng Diyos, at ang mga taong may mabuting kalooban ay maniniwala sa Diyos at maraming mga kaluluwa ang maaaliw. Sila ay magkakaroon ng malaking pagbuti sa pamamagitan ng Ispiritu Santo at isusumpa ang makaimpiyernong mga mali ng Antikristo.
Kahabag-habag na mga naninirahan sa mundo! Magkakaroon ng madugong mga digmaan at taggutom, mga salot at nakahahawang mga sakit; isang nakatatakot na ulan ng mga hayop ang bubuhos pababa, ang kulog ay yayanigin ang mga lungsod, ang mga lindol ay lulunukin ang mga bansa; ang mga tinig ay maririnig sa hangin, ang mga tao ay iuuntog ang kanilang mga ulo sa pader. Sino ang mananaig kapag hindi paiikliin ng Diyos ang panahon ng pagsubok? Sa mga dugo, mga luha at dalangin ng mga mabuti, ay hahayaan ng Diyos na Siya ay magapi. Sina Henoch at Elias ay papatayin. Ang paganong Roma ay maglalaho; Ang apoy buhat sa Langit ay babagsak at susunugin ang tatlong mga lungsod; ang buong mundo ay uuga nang may kilabot, at marami ang hahayaan ang kanilang mga sarling mahikayat sa masama sa hindi pagsamba sa tunay na Buhay na Kristo sa gitna nila. Ito ang sandali; ang araw ay magdidilim; tanging ang Pananampalataya ang mabubuhay.
Ang panahon ay dumating na; ang kailaliman ay magbubukas. Makikita ang hari ng mga hari ng kadiliman. Makikita ang halimaw kasama ang kanyang mga nasasakupan, sasabihing siya ang tagapagligtas ng mundo. Siya ay aangat na may kayabangan sa ere para umakyat sa Langit; Siya ay mahaharangan ng hininga ni San Miguel Arkanghel. Siya ay babagsak, at ang mundo, na sa tatlong araw ay patuloy na nagbabago, ay magbubukas ng kanyang puro maapoy na kailaliman, at siya ay malulublob magpahanggan pa man kasama ang kanyang mga kampon sa walang hanggang kailaliman ng Impiyerno. At ang tubig at apoy ay lilinisin ang Mundo at sasairin ang lahat ng mga gawa ng kapalaluan ng tao, at ang lahat ay mababago: Ang Diyos ay pagsisilbihan at luluwalhatiin.”
Makaraan ang limang taon ng pag-iimbestiga, ang Obispo ng Grenoble, si Philibert de Bruillard, ay kinilala ang katunayan ng mga Aparisyon. Inaprobahan ni Papa San Pio IX ang debosyon sa Ating Birhen ng La Salette.
Ang mga Sekreto ng Birhen: ang kabataang mga pastol ay nag-apirma na ang kanilang dalawang indibidwal na mga sekreto ay inihayag sa kanila makaraan ang ilang araw, noong ika-25 ng Setyembre 1846, sa lugar ng mga Aparisyon, subali’t sinabi ng Birhen sa kanila na huwag magsalita tungkol dito o sabihin sa bawa’t isa hanggang sa taong 1858, ang araw na kung kailan nila ito ihahayag. Ang dalawang mga sekretong ito ay ipinadala kay Papa San Pio IX noong 1851.
May dalawang bersiyon ang sekreto ni Melanie, ang isa ay sinulat niya mismo noong taong 1851, at ang isa ay nailathala noong 1879 ng parehong may-akda sa Lecce, Italya, na inaprobahan ng Obispo ng lungsod.
Ang sekreto ng Pinakabanal na Birheng Maria na ibinigay kay Maximin ay nagsasaad: “Kung ang Aking mga tao ay magpatuloy, ang Aking sasabihin ay magaganap sa madaling panahon; kung sila ay magbabago nang kaunti, ito ay darating nang mas matagal pa. Ang Pransya ay kinurapto ang Sandaigdigan; isang araw siya ay parurusahan. Ang Pananampalataya ay mabubura sa Pransya. Ang tatlong bahagi ng apat na bahagi ng Pransya ay hindi na isinasabuhay ang kanilang relihiyon, at ang isang pang-apat na bahagi ay ginagawa ito nang hindi isinasabuhay. Sa bandang huli ang mga bansa ay makukumbert at ang Pananampalataya ay muling mag-aalab saan mang dako. Isang malaking bansa sa Norteng Europa, ngayon ay protestante, ay makukumbert at sa tulong nito ay makukumbert ang iba pang mga bansa sa mundo. Bago ito maganap, ay magkakaroon muna ng malaking mga kaguluhan sa Simbahan at sa lahat ng dako. At ang Santo Papa, ang Papa ay pahihirapan. Ang kanyang kahalili ay isang Papa na wala ni isa man ay umasa. At ang isang malaking kapayapaan ay darating, nguni’t hindi magtatagal. Ang isang halimaw ay darating para tigatigin ito. Ang lahat ng Aking sinasabi ay darating sa ibang siglo.”
Ang impresyong dala sa Papa ng misteryosong mga rebelasyong ito ay hindi ipinaalam. Isang buhay na kontrobersiya ang lumabas tungkol sa kung ang sekretong inilathala noong 1879 ay pareho roon sa ipinadala kay Pio IX noong 1851. Ang Banal na Curé ng Ars ay lumabas na hindi makapagdesisyon nang ganap tungkol sa mga Aparisyon sa ilang panahon, subali’t sa bandang huli ay tinanggap ang supernatural na pinagmulan nito. Binisita siya ni San Maximin ng maraming ulit. Si Papa San Leo XIII ay tinanggap ang seer na si Melanie na may pagpapakitang espesyal na pagtatangi, at alam ang buong nilalaman ng sekreto. Sa pagkakabasa sa kasaysayan ng buhay ni Santa Melanie noong 1910, si Papa San Pio X ay napabulalas: “La nostra Santa!”, at nagrekomenda ng layunin para sa kanyang beatipikasyon ay agad na isagawa.
Ang Panginoon, noong ika-125 anibersaryo, ika-19 ng Setyembre 1971, ay nagsabi sa noon ay dating seer na si Clemente Domínguez: “Oh, kung nakinig lamang sila sa mga Mensahe ng La Salette, gaano karaming mga bagay ang naiwasan sana! Kawawang sangkatauhan, patungo na sa kailaliman! At kung iisipin na tanging sa pamamagitan lamang ng pagpapatawad, Ako ay mapagbigay at nagpapatawad agad! Subali’t ang inyong kahihiyan ay kinakailangan para Ako ay magpatawad sainyo. Ang Aking puso ay madaling magpatawad. Pero Ako ay naglalansag din ng Hustisya sa mga mapagmataas at winawasak ang mga iyon.”
Noong ika-25 ng Setyembre 1971, sa La Salette, ang Pinakabanal na Birheng Maria ay nagsabi sa kanya: “Aking mahal na mga anak: salamat sa inyong pagperegrinasyon sa Banal na Lugar na ito ng La Salette… Ang sangkatauhan ay napahamak na! Siya ay nahulog sa kapalaluan, initsa puwera ang mabuting mga tradisyon. Siya ay tumatalikod sa kanyang Ina sa Langit: Ako, ang Birheng Maria, Ina ng Diyos at Ina ng tao sa pamamagtian ng Pinakamahal na Dugo na ipinadaloy ni Hesus sa Krus. Ang sangkatauhan ay patuloy na natitisod na parang bulag, pinamumunuan ng masasamang mga pastol, mga pastol na walang pakialam sa mga tupa, mga pastol na nabubuhay sa gitna ng mga kasiyahan ng mundo, lagalag na mga pastol: mga Kardinal, mga Obispo, mga Pari, mga Prayle, mga Madre, hindi ginagawa ang responsibilidad para sa kawan. Ang kapalaran ng mundo ay naging iba sana kung ang mga Mensaheng ibinigay Ko sa Banal na Lugar na ito ay pinakinggan, pinalaganap at isinakatuparan. Nguni’t ang karamihan ay hindi pinaniwalaan ang mga ito; ang iba ay inatake ang mga ito; at ang iba ay hinusgahan ang mga ito laban sa kanilang mga interes. Dito, sa La Salette, ay inihayag Ko ang maraming mga kasamaan na darating sa Simbahan at sa mundo. At ang mga iyon ay natupad sa titik; ang iba ay mangyayari sa bandang huli. Ang mga iyon ay matutupad hanggang sa huling titik ng lahat ng Aking sinabi sa Banal na Lugar na ito. Ang mga alkantarilya na Aking sinabi sa nakaraang siglo dito sa La Salette ay nakikita na ngayon. Ang mga Ministro ng Panginoon, marami sa kanila, tinalikdan ang Altar para magpakasal at mamuhay ng isang buhay ng kasiyahan kasama ang isang babae. Naniniwala kaya kayo na ito ay walang iba kundi pag-apostata? Malungkot para sa lalake na inilagay ang kanyang kamay sa araro at tumalikod! Ang sino mang kinonsagrang isang Pari, ay kinonsagra ayon sa Orden ni Melchisedic, at mananatiling isang Pari. At sa pagkamatay, siya ay mananatiling isang Pari sa lugar na kung saan siya ay nadestino. Ako ay umiyak na sa Lugar na ito sa mga kasamaang darating. Nakita Ko na yuyurakan nila ang Banal na Eukaristiya sa ilalim ng kanilang mga paa; na ang Dugo ng Banal na Kordero ay nakaririmarim na yuyurakan ng Kanyang sariling mga ministro; na darating ang mga panahon na ang Komunyon ay hindi na bibigyan ng nararapat na respeto. Ang panahon ay dumating na ngayon kung saan ang Eukaristiya ay kinasusuklaman, niyuyurakan. Ang mga Ministro ng Panginoon ngayon ay ibinibigay Ito sa agarang paraan, walang respeto o benerasyon. Dapat ninyong malaman, Aking mga anak, na ang Eukaristiya ay kinakailangang tanggapin nang karapat-dapat, may respeto, rekoleksiyon, oblasyon at konsagrasyon sa Diyos. At ang tamang postura ay nakaluhod, itinitiklop ang inyong mga tuhod sa harap ng kamahalan ni Hesukristo, na ibinigay ang Kanyang Buhay para sa kaligtasan ng mga tao, na ibinigay ang Kanyang Katawan upang kainin at ang Kanyang Dugo upang inumin para maiparating ang Kanyang mga grasya at ang Kanyang awa… Sangkatauhan! Si Hesus sa ngayon ay nagsisimula nang umalis sa mga Tabernakulo! Magkakaroon ng mga lungsod na kung saan napakakaunting mga simbahan na lamang ang magkakaroon ng Tunay na Presensiya ni Hesukristo sa Sakramento, sapagka’t marami sa mga tinatawag na Ministro ng Panginoon ay kasapi ng freemasonry at sa kalooban ay hindi nagkokonsagra. Ang sangkatauhan ay laging maaalaala ang mga salitang sinabi Ko dito sa La Salette sa Aking mga seers noong nakaraang siglo, dahil ang lahat ng mga iyon ay dapat na matupad. Nguni’t dahil Ako ang inyong Ina, pangangalagaan Ko ang lahat ng bumabaling sa Akin. Lagi Kong inuulit: Pangangalagaan Ko kayo, yayakapin Ko kayo, tatakpan Ko kayo ng Aking Banal na Kapa. Ililigtas Ko kayo sa Kaaway. Huwag mag-alala sa darating na mga kaganapan, sapagka’t Ako ay magiging kasama ninyo kapag ang mga bagay ay nasa malalang kalagayan. Ang inyong Ina sa Langit ay hindi kayo bibiguin, tulad ng hindi Niya pagbigo kay Hesus sa Krus. Tinalikdan Siya ng lahat, subali’t naroon ang Kanyang Ina, tulad ng pagkakaroon ninyo sa Akin… Halikayo nang sabay-sabay at maramihan sa Sagradong Lugar ng El Palmar de Troya sa Espanya, kung saan sa kasalukuyan Ako ay nagpapakita sa ilang abang mga makasalanan, mababa ang kalooban at simple. Sa isang Lugar kung saan ay ginagawa ang mainit na pagdarasal para sa lahat ng tao, at kung saan napakaraming mga grasya ay manggagaling para sa Simbahan at para sa mundo… Ang Aking kasalukuyang Aparisyon sa El Palmar de Troya sa Espanya ay magliligtas ng Simbahan at ng mundo. Ito ang pinakadakilang oras ng Galit ng Ama; at ang lugar na ito ng El Palmar ay magiging nag-aapoy na gabilya para sa Banal na Galit, sa pamamagitan ng masagana at debotong mga panalangin, mga sakripisyo at penitensiya nito. Ang lahat na madalas pumunta sa El Palmar ay maliliwanagan sa Huling mga Panahon; mabubuhay nang matuwid; subali’t ay kinakailangang magdasal nang may malaking kababaang loob, dahil sila ay mas aatakehin din nang madalas ng Kaaway.”
Sa La Salette, ang Pinakabanal na Birheng Maria ay nagbabala sa darating na mga panganib at ipinakita sa mga Kristiyanong tao kung paano iiwasan ang mga ito. Nang ang mga prediksiyon ay matupad at ang pag-apostata ng Roma ay dumating, si Mariang Pinakabanal ay nagpakita sa Palmar upang ibigay ang huling oportunidad na magliligtas sa Simbahan at maghanda ng kanlungan para sa mga tapat na tagasunod ng Kanyang Banal na Anak.
Ang Pinakabanal na Birheng Maria sa ilalim ng titulo ng Lourdes, noong ika-28 ng Enero 1971, ay nagsabi: “Tingnan ninyo ang mga daan na ibinigay Ko sa seer na ito, ang Aking anak (Clemente Domínguez), na dapat sundan: Pinapunta Ko siya sa Marianong mga Santuwaryo at peregrinasyon sa mga lugar at Banal na mga Lugar ng mga Aparisyon mula sa Langit. Sa paraang ito ay tinuturuan Ko kayo ng pagkakaisa na dapat maghari sa mga deboto ng mga Aparisyon. Walang isa man sa mundo ang may kapangyarihan para harangan ang Diyos sa pagpapakita ng Kanyang Walang hanggang Kapangyarihan sa isang determinadong lugar. Sa paraang ito ang ibig Kong sabihin na tulad nang Ako ay nagpakita sa Lourdes, ganoon din sa Fatima, La Salette, Pontmain, Brittany, Guadalupe, Zaragoza, Garabandal, Palmar de Troya, at marami pang ibang mga lugar din.”